Home NATIONWIDE ‘Magulong’ Eleksyon 2025 nakaamba sa paggamit ng Miru machines – ex-solon

‘Magulong’ Eleksyon 2025 nakaamba sa paggamit ng Miru machines – ex-solon

MANILA, Philippines- Inihayag ng dating mambabatas nitong Biyernes na maaaring magresulta ang paggamit ng Miru Systems machines sa 2025 polls sa magulong eleksyon.

Sa isang press release, sinabi ni dating Caloocan Representative Edgar Erice na lumabag ang Commission on Elections sa Automated Election Law at sa Procurement Law.

Gayundin, sinabi ni Erice na inabuso umano ng Comelec ang diskresyon nito sa maraming pagkakataon upang matiyak na matutuloy ang kontrata sa South Korean firm.

“For the past five elections, we have never even spent P6 billion per election. In this ‘lutong Macau’ contract, it will cost almost  P18 billion to rent, not buy, the voting machines,” patuloy ng dating mambabatas.

Inihayag din niya ang pagkabahala sa ”potential upheaval and danger” ng bagong sistema, kung saan iginiit niya na ang paggamit sa Miru system sa 2025 elections ay labag sa Section 12 ng Republic Act No. 9369, at tinawag pang ilegal ang kontrata.

“The system that will be used in the 2025 elections has never been used in any elections anywhere in the world. This means our elections will be used as a guinea pig in  2025,” wika ni Erice.

Inakusahan niya ang poll body ng pandaraya sa bidding process upang paboran ang Miru Systems.

Nangako ang dating mambabatas na maglalabas ng mga video na magsisiwalat sa ”red flags and shady dealings” sa bidding process sa gitna ng panawagan niya sa Kamara na imbestigahan at tugunan ang isyu.

Noong Abril, inihirit ni Erice sa Supreme Court na ipawalang-bisa ang kontrata sa pagitan ng Comelec at Miru Systems para sa 2025 elections.

Sa 50-pahinang petition for certiorari, hiniling din ni Erice sa Supreme Court na mag-isyu ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction upang pigilan ang poll body sa pagpapatupad ng En Banc Minute Resolution No. 24-0114, na naggawad ng proyekto sa Miru.

Nang kunan ng komento ukol sa pahayag ng dating mambabatas, ipinadala ni Comelec Chairman George Garcia ang kopya ng kanyang liham kay Erice na may petsang Hunyo 19.

Sa liham, sinabi ni Garcia na naninindigan ang poll body sa posisyon nitong anumang diskusyon ukol sa legalidad o iregularidad ng kontrata ay dapat ipresenta sa mga korte dahil nakabinbin din ang petisyon sa Supreme Court.

Sinabi ni Garcia kay Erice na pinupuri nito ang tapang nito ”in going public given said pending petition.” RNT/SA