Home OPINION MAHALAGA ANG BUHAY, HUWAG NATIN ITONG SAYANGIN

MAHALAGA ANG BUHAY, HUWAG NATIN ITONG SAYANGIN

129
0
BAGAMA’T marami ang nagsasabi na masarap ang mabuhay sa mundong ito, hindi ito puro kaligayahan, marami ang nakararanas ng hirap at sumusuko sa pamamagitan ng pagkuha ng kani­lang sariling buhay o suicide. Sa buong mundo, batay sa pagtataya ng WHO o World Health Organization, higit-kumulang isang milyon ang namamatay dahil dito, at sampu hanggang dalawampung milyon ang sumusubok taon-taon.
Dito lamang sa Pilipinas, may dalawa hanggang tatlo ka­tao ang nagpapakamatay sa bawat isang daang libong Pilipino lalo na sa mga kabataan sa maraming kaparaanan gaya ng paglalaslas ng pulso, pagbibigti, pag-inom ng nakalalasong kemikal, overdose, pagbabaril, pagpapasagasa, pagtalon sa mga gusali, mga tulay at daungan.
Sinasabing pangunahing dahilan ng pagpapakamatay ang matinding depresyon dala ng malalim at mabigat na problemang may kinalaman sa pananalapi, pamilya, at pag-ibig. Mayroon ding kaso dahil sa mental disorder gaya ng bipolar disorder at schizophrenia, puwede ding dahil sa alcoholism at drug abuse.
Pare-parehong kinikilala ng bawat denominasyon ng pananam­palataya na “isang kasalanan” ang pagpapakamatay ngunit nag-  iiba hinggil sa pagtanggap dito. Gaya sa Universal Catholic and Apostolic Church na dati rati ay hindi benebendisyunan ang mga nagpapakamatay ngunit ngayon base sa Catechism of the Catholic Church No. 2283 ay pinapayagan na. Pinaniniwalaan na sa huling yugto ng buhay ng isang nagpapatiwakal ay humihingi ito ng kapatawaran sa Diyos na nagbigay ng buhay.
Ayon sa mga dalubhasa, maging mayaman o mahirap, may pinag-aralan at wala, ay puwedeng magsagawa ng pagpapakamatay. Ngunit madali naman malaman kung sino ang may tendency na gumawa nito. Base sa pag-aaral, may mga palatandaan na makikita, gaya ng pagpapakita ng kawalan ng pag-asa sa buhay bunga ng problema at kamalasan, paglayo sa mga kapamilya at mga kaibigan, at palagiang pagbanggit na siya ay pabigat o nagiging pabigat sa buhay ng iba.
Kapag naka-engkuwentro ng taong may suicidal tendency, narito ang mga dapat na gawin. Una, huwag iwan ang taong ito, hangga’t maaari ay kausapin at makinig sa kanyang mga kuwento. Malaking tulong para sa taong sobrang nakararanas ng dep­resyon ang makita na mayroon siyang kasama sa buhay.
Alamin ang mga dahilan ng kanyang kalungkutan o mga problema at kung may sapat na kakayahan ay ipaliwanag ito sa malinaw na paraan. Pero kung minsan, mas nakabubuti ang pananahimik na lamang, ang importante, maipadama sa taong iyon na hindi siya nag-iisa.
Ikalawa, ilayo ang mga bagay na puwede niyang magamit sa pagpapakamatay gaya ng blade, kutsilyo, lubid, anomang nakalalasong kemikal, mga gamot, at iba pa. Agad ding ipaalam ito sa magulang o kaanak lalo na kapag menor-de-edad ang sangkot.
Ikatlo, humingi ng tulong sa mga propesyunal at dalubhasa upang maiwasan ang posibleng pagtatangka muli na magpakamatay.
Mahalaga ang buhay, huwag natin itong sayangin sa pagkitil ng buhay na pahiram lamang sa atin ng Poong Maykapal.

Previous articlePamimigay ng campaign t-shirts, caps para sa BSKE maituturing na vote-buying
Next articleKAPITAN NAMIGAY NG AYUDA SA 36 BARANGAY NG INDANG

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here