Home OPINION MAHALIN ANG PILIPINAS

MAHALIN ANG PILIPINAS

143
0

HINDI pa nga umalagwa nang husto ang re-branding ng Department of Tourism na “Love the Philippines”, pinutakte na ito ng kontrobersya.   Nanganganib pa nga na baka tuluyan na itong madiskaril.

Mula sa isyu ng gumamit ng mga hindi orihinal at mga “stock” na litrato at video mula sa internet hanggang sa nakahihiyang pag-amin na ang ilang mga kuha sa audio-video presentation o AVP ay hindi naman talaga sa Pilipinas.   Sa ibang bansa pala ang mga ilang magagandang eksena mula sa Thailand, Indonesia at Dubai.

At dahil mahihirapan na nga sigurong bumawi ang DOT sa mga pagkakamaling ito, ang umuugong na balita ay kakanselahin na raw ang kontrata ng ad agency sa likod ng proyekto.

Pero meron nga bang kakanselahin na kontrata? Ayon sa kolum ni Jarius Bondoc, lumalabas sa pagsasaliksik n’ya na ang bidding para sa proyektong re-branding ng DOT ay parang nagsisimula pa lang noong June 29, 2023, dahil ito ang deadline ng pagkuha ng  bid documents.   Pero June 27, 2023 ipinalabas ang video na sa akala ng marami ay ang “launching” o paglulunsad nang bagong slogan na “Love the Philippines”.

Sabi naman ng ad agency, kinukuha nila ang buong responsibilidad sa pagkakamaling ito, dahil ang dapat ay “mood video” pa lang ang inilabas na para lang sa iilang tao at hindi pampubliko.

Pero bakit nga ba ipinalabas na ito ng DOT?

Maraming tanong ang mga mamamayan, pero hindi tayo sigurado kung meron ngang imbestigasyong mangyayari.   Sana nga pangunahan ng  Tourism committees sa Kamara at sa Senado ang pagtatanong at paghalukay sa katotohanan.

Bukod kasi sa napakalaking halagang nakalaan para sa proyektong ito, ang integridad ng bansa bilang isang tourism spot ng mundo ang nakasalalay rito.

Hangad nating magtagumpay sana ang turismo sa Pilipinas, dahil andami naman talagang dapat puntahan at pasyalan dito sa atin.  Kaya dapat ayusin ng DOT ang gusot na ito at ibangon muli ang kagandahan at integridad ng Pilipinas.

Previous articlePROBLEMA SA MGA EMBAHADA
Next articleHigit 50 Chinese vessels namataan sa Iroquois Reef, Sabina Shoal – AFP

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here