Home NATIONWIDE Maharlika Investment Corporation, bawal sa mga dayuhan

Maharlika Investment Corporation, bawal sa mga dayuhan

MANILA, Philippines – Hindi maaring italaga ng Pangulo ang isang dayuhan bilang independent director sa Maharlika Investment Corporation (MIC), ang kumpanyang binuo upang pangasiwaan ang unang wealth fund ng bansa.

Nakasaad sa pitong pahinang legal opinion ng Department of Justice (DOJ) na malinaw ang nakasulat sa Section 18 ng Konstitusyon na ang lahat ng opisyal at kawani ng gobyerno ay magpapakita ng katapatan sa estado sa lahat ng oras.

Inilabas ang DOJ opinion sa kahilingan ng Presidential Management Staff dahil hindi naging malinaw ang nationality requirement sa mga posibleng italaga sa kumpanya.

Ipinaliwanag sa legal opinion na binanggit din sa Section 1 na ang mga opisyal at kawani ng pamahalaan ay kailangan magsilbi sa bayan ng mahusay, may integridad, katapatan at kumilos nang may pagkamakabayan.

Dahil dito sinabi ng kagawaran na hindi maaring magtalaga ang Pangulo ng isang foreign national sa MIC.

Gayunman, iginiit ng DOJ na Filipino na may dual citizenship ay maaaring italaga bilang independent director ng hindi kinakailangan talikuran ang kanyang foreign citizenship.

Kinakailangan din na tumalima sa rules and regulations ng Civil Service Commission ang posibleng italaga sa Maharlika Investment Corporation. Teresa Tavares

Previous articleSolon sa DFA: Singapore pagpaliwanagin sa Taylor Swift exclusive concert
Next article3 durugista timbog sa P1.9-M shabu