
PINANGUNAHAN ni Vice President at DEPED o Department of Education Secretary Sara Duterte ang “moving up ceremony” ng 220 na mga PDL o persons deprived of liberty na nagkamit ng kanilang diploma sa pag-aaral ng elementarya at sekondarya habang nasa sa loob ng pasilidad ng Manila City Jail – Female Dormitory sa pamamagitan ng A-L-S o alternative learning system ng kagawaran.
Kinilala ng Pangalawang Pangulo ang determinasyon ng mga PDL na magpatuloy na ayusin ang kanilang buhay bagama’t hinahanarap ang pagkakulong sanhi ng nagawang kamalian sa buhay. Binigyang-diin din niya na palaging may pangalawang pagkakataon sa buhay lalong-lalo na sa mga nais na magkaroon ng simple ngunit masayang pamilya kasama ng mga nagmamahal na asawa, anak, magulang, kaibigan at iba pang mga ka-anak.
Pinasalamatan din ni VP Duterte ang BJMP o ang Bureau of Jail Management and Penology sa pangunguna ni Jail Director Ruel Rivera sa implementasyon ng programang “Bantay n’yo, Guro n’yo”.
Ayon kay BJMP chief Rivera, suportado ng ahensiya ang national agenda ng Marcos administration na isulong ang edukasyon para sa lahat kaya sa pasilidad na hawak ng BJMP ay napakaimportante ng ALS ng DEPED.
Sa maraming pagkakataon, napatunayan na epektibo at malaking tulong ang edukasyon sa pagbabagong-buhay ng mga PDL at inihahanda sila sa kanilang muling pagbabalik sa malayang lipunan.
Batay sa datos, simula taong 2018, nasa 32,244 PDL na ang nakapagtapos ng pag-aaral mula sa ALS.
Sa kasalukuyan, nasa 18,883 PDL sa 403 na kulungan na nasa ilalim ng BJMP ang naka-enroll sa ALS. May kabuuang 479 jails sa buong bansa.
Pinagkakalooban ng GCTA o good conduct time allowance ang bawat PDL na nagboboluntaryong magturo at mag-aral sa ilalim ng Republic Act No. 10592.
LIBRE ANG MGA T-SHIRT,
MATERYALES AT IBA PANG KAGAMITAN
SA MAGIGING BENEPISYARYO NG TUPAD
NAGBIBIGAY-babala ang DOLE o ang Department of Labor and Employment sa publiko lalong-lalo na sa mga magiging benepisyaryo ng TUPAD o ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers na ang t-shirt, mga materyales, at iba pang kagamitan na may kaugnayan sa programa ay libre po, walang dapat bayaran, sagot ito ng pamahalaan, lalong walang dapat mabawas sa matatanggap na honorarium.
Ipinagbabawal ang reproduction, distribution, at pagbebenta ng anomang dokumento na may kaugnayan sa TUPAD nang walang kapahintulutan mula sa DOLE.
Hiling din ng DOLE na ireport sa kinauukulan saka-sakaling lapitan at alukin ng mga nasabing indibidwal para sila ay maipagharap ng mga kinauukulang kaso.