MANILA, Philippines- Itinutulak sa Kamara ang panukala na pumapayag na makaboto ang senior citizens, may kapansanan, may sakit maging locally stranded individuals sa pamamagitan ng mail tuwing public health emergency o state of calamity.
Iminungkahi ito ni Senior Deputy Majority Leader Sandro Marcos ng Ilocos Norte sa ilalim ng House Bill 8037 na nag-aatas sa Commission on Elections (Comelec) na magpatupad ng postal o mail-in voting system tuwing may umiiral na public health emergencies o states of calamity para sa kapakanan ng senior citizens, may kapansanan at may sakit, at locally stranded individuals “who are duly registered voters and who, on election day, may not be able to vote due to high risk of infection or physical impossibility.”
Tinutukoy ng panukala ni Marcos ang postal o mail-voting bilang “form of absentee voting in which a ballot is mailed to the home of a registered voter.”
Saklaw ng panukala ang local, national at overseas balloting maging lahat ng national elections at mga plebisito.
Ang budget para sa implementasyon ng panukala ay kukunin mula sa Commission on Elections. RNT/SA