Home METRO Maintainer ng wellness spa na sinalakay sa Pasay, arestado

Maintainer ng wellness spa na sinalakay sa Pasay, arestado

MANILA, Philippines- Sinalakay ng mga tauhan ng iba’t ibang sangay ng lokal na pamahalaan ng Pasay na pinangunahan ng lokal na kapulisan ang isang spa na nagdulot ng pagkakasagip ng limang therapist nito at pagkakaaresto ng cashier/maintainer dahil sa umanoý pag-aalok ng extra service sa kanilang mga customer nitong nakaraang Sabado ng gabi, Hunyo 8.

Makaraan ang matagumpay na pagsasagawa ng raid sa Relaxsense Zircon Wellness Spa ay personal na tinungo ni City Mayor Emi Calixto-Rubiano ang lugar upang makita ang naging kaganapan sa naturang spa.

Kabilang na sumama kay Calixto-Rubiano sa ni-raid na spa ay si city police officer-in-charge P/Col. Samuel Pabonita na kumilala sa inarestong suspek na si alyas Clarrisa, 29, cashier/maintainer ng naturang wellness spa.

Base sa report na natanggap ni Pabonita, naganap ang pagsalakay sa Relaxsense Zircon Wellness Spa na matatagpuan sa F.B. Harrison, Barangay 26 sa lungsod dakong alas-10:30 ng gabi.

Nag-ugat ang pasasagawa ng raid sa nabanggit na spa sa nakalap na impormasyon at napagtibay ng ilang buwan ng police surveillance operation tungkol sa pag-aalok ng extra service sa kanilang mga customer.

Kasabay ng pagsasagawa ng raid sa naturang establisimiyento ay nasagip naman ang limang therapist ng spa na kinabibilangan ng tatlong babae at dalawang lalaki na ang mga edad ay mula 21 hanggang 31.

Sa patuloy na imbestigasyon ay napag-alaman din ng Business Permits and Licensing Office (BPLO) na walang maipakitang business permit ang establisimiyento kundi ang tanging naipakita lamang sa mga awtoridad ay ang kanilang dokumento mula sa Securities and Exchange Commission (SEC) at Bureau of Internal Revenue (BIR).

Sa nadiskubreng paglabag ng ordinansa sa lokal na pamahalaan ay mismong si Calixto-Rubiano ang nagpaskil ng closure order sa naturang establisimiyento kung saan nahaharap ang may-ari ng spa gayundin ang inarestong cashier nito sa kasong paglabag sa Republic Act 10632 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012. James I. Catapusan