Home NATIONWIDE Makabayan bloc nanawagan sa Kamara, wage hike bills aprubahan na

Makabayan bloc nanawagan sa Kamara, wage hike bills aprubahan na

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Makabayan Coalition sa Kamara para aprubahan na ang panukala sa legislated wage hike.

Ang panawagan nitong Miyerkules, Mayo 22, ay kasabay ng huling sesyon bago mag-adjourn ang Kongreso at magbalik sa July 22 para sa State of the Nation Address.

“Napapanahon ang salary increase dahil alam naman natin ang mga pangangailangan ng bawat pamilyang Pilipino sa ngayon. Patuloy na nagtataasan ang mga bilihin, ang presyo ng yutilidad,” sinabi ni ACT Teachers Party-list Representative France Castro.

Pending pa sa House Committee on Labor and Employment ang mga panukala na magbibigay ng P150 across the board increase sa buong bansa, at P750 dagdag sa lahat ng private sector workers.

“Kailangan pa ba itong pagdebatihan nang napakatagal? Sa Senado, na-approve na nila ‘yung P100 salary increase across the board,” dagdag ni Castro.

Nababahala si Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na kung hindi bubuti ang sahod sa Pilipinas, maraming mga batang Pinoy ang maghahanap na lamang ng trabaho abroad.

“Lalo lamang mai-instill sa kanilang mga isipan na para mabuhay sila nang kahit disente lang eh, hindi pa ‘yung sobrang marangyang buhay, kailangan nilang mangibang-bansa para makuha ‘yung mas mataas na sahod. Ayaw po natin na magpatuloy ang ganitong sitwasyon sa ating bansa na ganito ang labor situation na ipapamana natin sa mga kabataan,” ani Manuel.

“Maraming mga batas na nai-file at na-hear na naman at mabilis na nakarating sa plenaryo. Kaya parang kung meron mang priority na pupuwedeng gawin ngayon at may time pa, ito po ‘yung dagdag sahod,” pahayag naman ni Gabriela Women’s Party-list Representative Arlene Brosas.

Nais naman ng Partido Manggagawa ang legislated wgae hike sa halip na kautusan mula sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.

“Thirty-four years na po kami nagdurusa sa baryang-baryang umento mula sa Regional Wage Boards. Kaya ang resulta nito, malayong agwat ng minimum wage sa cost of living. Ang resulta nito, maraming naghihirap at patuloy na naghihirap na pamilyang manggagawa,” ayon kay Partido Manggagawa Renato Magtubo.

Pahayag naman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino, dapat nang agarang ipasa ng Kongreso ang panukala na magbebenepisyo sa mga manggagawa.

“Kung napakabilis na noong pagpasa ng Maharlika Funds at saka yung pagtulak ng Cha-cha, ano pa kaya yung sahod kung saan milyon-milyong manggagawang Pilipino ay nangangailangan nito,” ani Luke Espiritu ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.

Binatikos din nila ang pahayag ni Presidential Adviser on Poverty Alleviation Larry Gadon na, “poverty is imagined.”

“Sa research survey na ginawa by the end of the year from December 10 to 14, sinabi na 45%, almost similar to 46% obtained in a similar survey conducted by October 2023 na sinasabi ng OCTA, translates to 11.9 million rated themselves as poor. Hindi lang sa usapin ng access sa pera pero sa usapin ng kakayanan para bumili ng kanilang pagkain,” sinabi ni Nice Consolacion ng Sentro.

“Kung haka-haka lang ang poverty, then why do we have institutions like the Philippine Statistics Authority tracking it? Why do we have financial institutions mismo na kunyari tulad ng ADB na ang mission nga niya is to alleviate poverty? Why do we have programs like NAPC na ang mismo government natin, may plano para i-address ito? Why do we have this? Poverty is very real,” dagdag naman ni Mark Villena ng Trade Union Congress of the Philippines.

Iginiit ni Brosas na dapat nang alisin sa pwesto si Gadon.

Noong Biyernes, sinabi ni Presidential Adviser for Poverty Alleviation Secretary Larry Gadon na ang kahirapan sa Pilipinas ngayon ay “imaginary” lamang, kasabay ng pagsasabi na bumababa ang poverty rate.

“Sa totoo lang ‘yang mga nagsasabi na napakahirap ng buhay ngayon ay sila lang ang nagsasabi niyan, haka-haka lang nila ‘yan,” ani Gadon. RNT/JGC