MANILA, Philippines- Inalmahan ng Makabayan Bloc ang pagbuo ng House leadership ng isang maliit na komite na tatanggap ng mga amendments o pagbabago sa 2024 P5.768-trillion national budget.
Ayon kay House Deputy Minority Leader France Castro, hindi maaaring gawin ito ng liderato ng Kamara dahil naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang 2024 national budget.
“Ayon sa batas pag na 3rd reading na ay hindi na pwedeng maglagay pa ng mga amendment kaya talagang nagva-violate ang Kongreso nung probisyon sa Konstitusyon,” paliwanag ni Castro.
“Hindi yan magiging as transparent kumpara sa kung dumaan sana sa plenaryo ang mga amendments,” paliwanag naman ni Kabataan Rep. Raoul Manuel.
Ang binuong small committee ay kinabibilangan nina Appropriations Committee Chair Elizaldy Co, Senior Vice Chair Stella Luz Quimbo, Majority Leader Manuel Jose Dalipe at Minority Leader Marcelino Libanan.
Ipinasa ang 2024 national budget sa Kamara noong Setyembre 27, 2023, bago ang break ng Kongreso. Gail Mendoza