HANGGANG saan o hanggang kanino ang makapangyarihang sindikato na nauugnay sa P6.7 bilyong o halos isang toneladang droga na nadiskubre sa Maynila nitong Oktubre 2022?
Sa mga nangyayari, lumalabas na nakasentro ang “makapangyarihang sindikato” sa mga isinasangkot na pulis na ngayo’y nasa 50 katao.
Sa 50 pulis, 12 rito ang kinilala na sina Lt. Gen. Benjamin Santos Jr., ex-deputy chief for operations; Brig. Gen. Narciso Domingo, ex-Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) chief; Col. Julian Olonan, Lt. Cols. Arnulfo Ibanez, Glen Gonzales at Dhefrey Punzalan, Maj. Michael Salmingo, Lts. Jonathan Sosongco, Jefrrey Padilla, Randolph Pinon, Silverio Bulleser II at Ashrap Amerol.
At makapangyarihan nga ang mga ito dahil armado sila ng pamahalaan, nakabase sila sa makapangyarihang Camp Crame at sanay sa mala-impiyernong kalagayan na nakataya ang buhay sa literal na kahulugan nito.
Kaya naman, sila ang nilambat ng patakarang “courtesy resignation” ng halos 1,000 pinakamatataas na opisyal ng Philippine National Police sa kautusan ni Interior Secretary Benhur Abalos.
Ngayon, nasampahan na sila ng apat kasong kriminal sa Office of the Ombudsman at susunod naman ang mga kasong administratibo laban sa mga ito.
Dalawa umano ang isinamang wala sa CCTV sa lugar ng raid dahil sa conspiracy o sabwatan.
Sa kasong kriminal, partikular ang nauugnay sa droga, sinomang mapatutunayang nagkasala ay maparurusahan ng reclusion perpetua na 20 taon at isang araw hanggang 40 taong pagkabilanggo.
Ang ilan sa mapatutunayan naman sa grave misconduct at iba pang mabibigat na pagkakasalang administratibo, matatanggal serbisyo sa gobyerno at mawalan ng benepisyo bilang mga parusa.
Kung iisipin, maganda na ring nangyari ang pagsasampa ng mga kaso para malitis nang todo ang mga akusado at malalaman sa huli kung sino-sino ang may sala at inosente.
Makukulong ang may sala habang lalaya ang mga inosente.
Pero talaga bang hanggang sa mga pulis lang ang “makapangyarihan sindikato?”