MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni Senador Christopher “Bong” Go na dapat maging proactive ang diskarte sa disaster management sa Pilipinas kasunod ng magnitude 6.8 na lindol sa ilang bahagi ng Southern Mindanao na nagresulta sa pagkawala ng mga buhay at ari-arian.
Matapos ang lindol, muling iginiit ni Go ang kanyang adbokasiya para sa paglikha ng Department of Disaster Resilience (DDR).
“I will not lose hope. Patuloy akong mananawagan. Maybe, at the proper time, ay maipapasa na rin ito dahil kailangan talaga natin ng cabinet-level na secretary para rin maayos at mas mabilis ‘yung koordinasyon between the national government agencies and the local government offices,” ayon sa senador.
Dahil madaling tamaan ang bansa ng iba’t ibang kalamidad tulad ng mga bagyo, lindol, at pagsabog ng bulkan, naunang inihain ni Go ang Senate Bill No. (SBN) 188, na magtatatag sa DDR, na siyang magsesentralisa ng mga koordinasyon o magtitiyak ng mas mabilis at epektibong pagtugon sa mga emergency.
Ang DDR secretary ang gaganap ng malaking papel, makikipag-coordinate sa recovery at reconstruction efforts sa iba pang departamento matapos ang disaster at siya ring titiyak na maibalik sa normal ang lahat.
Halimbawa, sakaling bumagsak ang isang tulay, makikipagtulungan ang DDR sa Department of Public Works and Highways gayundin sa mga LGU para sa muling pagtatayo nito.
“Isang aspeto na dapat natin mas maisaayos pa ay ang inter-agency coordination. Ito ang dahilan kung bakit matagal ko nang inirerekomenda at paulit-ulit ko nang sinasabi na dapat magkaroon ng isang departamento na may secretary-level na in-charge para mayroong timon na tagapamahala ng preparedness, response, and resilience mechanisms pagdating sa ganitong mga krisis at sakuna,” ayon kay Go.
Ani Go, ang DDR ang gaganap sa isang sentral na papel sa preposisyon ng goods, koordinasyon sa mga LGU at agarang paglikas ng mga apektadong populasyon sa mga ligtas na lokasyon bago pa magkaroon ng mas matinding sakuna.
“Kung may DDR, ito na ang lalapitan natin. Sila ang kakausapin ng Pangulo at sila ang gagabay sa local officials at iba pang ahensya. Bago pa man dumating ang kalamidad, maghahanda na sila. Hindi na po malilito ang ating mga kababayan kung kanino at saan sila hihingi ng tulong at impormasyon,” ayon sa senador.
Sinabi ni Go na kung gaano kabilis at kadalas ang pagdating ng krisis sa ating bansa, dapat lamang na maging mas mabilis, mas maayos, at mas maaasahan ang serbisyo ng gobyerno upang maprotektahan ang kapakanan at buhay ng bawat Pilipino.
Sinabi ni Go na ang kanyang adbokasiya para sa DDR ay batay sa kanyang pangako na poprotektahan ang kapakanan at buhay ng mga Pilipino sa harap ng madalas na mga kalamidad.
Ipinahayag ng Office of Civil Defense ang suporta nito para sa pagtatatag ng DDR sa pagsasabing mahalaga ang naturang departamento sa pagpapabuti ng mga operasyon sa pamamahala at pagtugon sa mga hinaharap na krisis. RNT