MANILA, Philippines – Magsasagawa ng Bicameral Conference Committee hearing ang Senado at Kamara upang talakayin ang magkaibang bersyon sa panukalang Maharlika Investment Fund (MIF) o Philippine sovereign wealth fund.
Ang bicam ay gagawing ngayong araw sa Manila Golf and Country Club sa Makati City.
Ang House contingent ay kinabibilangan nina Manila 5th district Rep. Irwin Tieng, chairman ng Committee on Banks and Financial Intermediaries; Albay 2nd district Rep. Joey Salceda, chairman ng Committee on Ways and Means; Marikina City 2nd district Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng Committee on Appropriations; Deputy Speaker at Batangas 6th district Rep. Ralph Recto; COOP-NATCCO Party-list Rep. Felimon Espares at AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee.
Ang Senate contingent ay kinabibilangan naman nina Senators Mark Villar, Pia Cayetano, Alan Peter Cayetano, Sherwin Gatchalian, Francis Tolentino at Aquilino Pimentel III.
Ang Maharlika Bill ay ipinasa ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa alas 2:30 ng madaling araw ng Miyerkules, Mayo 31 habang ang bersyon ng Kamara ay naipasa sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembe 15,2022.
Dahil sa magkaibang bersyon sa panukala ay kailangan na magsagawa ng BICAM ang dalawang kapulungan na syang proseso sa pagpasa ng batas.
Ang Maharlika Bill ay sinertipikahang urgent bill ni Pangulong Bongbong Marcos.
Ngayong araw, Mayo 31, ang huling sesyon ng dalawang kapulungan kaya naman inaasahan na bago magtapos ang first regular session sa 19th Congress ay maipasa ng Kongreso ang Maharlika Bill at maisumite sa Malacanang para sa pagsasabatas ni Pangulong Marcos. Gail Mendoza