Home OPINION MAKATI BARANGAY OFFICIALS NANGGIGIPIT DAHIL SA DISPUTE

MAKATI BARANGAY OFFICIALS NANGGIGIPIT DAHIL SA DISPUTE

TALI na ang mga kamay ni Makati City Mayor Abby Binay sa isyu ng Taguig-Makati territorial dispute kasi hindi na siya pwedeng magbigay ng matatapang na komento sa usapin dahil posible siyang makasuhan ng contempt ng Korte Suprema.

Kaya ngayon, mga alipores na niya ang gumagawa ng ‘dirty tactics’ at ‘delaying tactics para hindi maipatupad ang paglilipat sa hurisdiksyon ng Taguig ang 10 barangay ng Makati City.

Ginigipit umano ng barangay chairmen ng Makati ang mga kawani ng barangay na pumapabor sa Taguig. May bantang hindi ibibigay ang midyear bonus, allowances at may mga sapilitang pinagbibitiw sa puwesto. “Binubully” sila, ika nga.

Ano pa bang panggigipit ang maaring gawin ng barangay officials para mabago ang mindset ng mga residente tungo sa pag-aaklas at pagmamatigas na labanan ang final and executory decision ng Korte Suprema sa nasabing usapin?

Litong-lito na ang mga residente ng 10 barangay sa Makati sa kung ano ang dapat nilang gawin sa isyu ng kanilang paglipat sa Taguig, na paniguradong bunsod ng sulsol ng barangay officials.
Aba’y maging ang Kongreso na walang hurisdiksyon sa usapin ng ay nais pasawsawin sa isyu.

Kalat ngayon sa Makati ang isang signature campaign na humihimok sa mga apektadong residente na lumagda sa isang petisyon na naglalayon na hilingin sa Kongreso ang pagsasagawa ng referendum.

Sa petisyon na naipasa sa media, hinihimok sina Makati First District Rep. Kid Peña at Makati Second District Rep. Jose Luis Campos na maghain ng petisyon sa Kamara para isulong ang referendum na nagtatanong sa mga residente kung boto sila o hindi na mailipat sa Taguig.

Para po sa kabatiran ng lahat, ang territorial dispute ng Makati at Taguig ay isang kaso na ang korte ang dapat na magresolba.
“Court Intervention” ang kailangan kaya nga tumagal ng 30 taon bago naresolba dahil dumaan sa proseso, una sa lower court, sa Court of Appeals at ang final arbiter, ang Supreme Court.

Huwag na sumawsaw sa isyu. Nagsalita na ang SC at sa “law of the land”, walang sinomang maaaring kumontra.
Sa mga residente ng Embo barangays, maging matalino kayo. Kung ang inyong lider ay hindi kayang sumunod sa batas, aba, mag-iisip isip na kayo.

 

Previous articleSAKUNA
Next articlePag-aalburoto ng Mayon posibleng tumagal ng 3 buwan – PHIVOLCS