caption: Hundreds of bikers ride around Metro Manila starting from Makati City on Sunday, November 27, to mark the 8th National Bicycle Day celebrated every 4th Sunday of November.(photo by Norman Cruz)
MANILA, Philippines- Kaugnay sa selebrasyon ng World Bicycle Day nitong nakaraang Sabado (Hunyo 3) ay itinampok ng digital marketing na Truelogic na nakabase sa Ayala Avenue, Makati, ang importansya ng inisyatibo at programang cyclist-friendly na binuo sa lungsod upang maitaguyod ang malusog na komunidad at kalikasan ng pagbibisikleta sa kabila ng pagbabagong idinulot sa lipunan ng COVID-19 pandemic.
Ang World Bicycle Day na itinakda ng Hunyo 3 kada taon ay idineklara ng United Nations (UN) General Assembly noong Abril 2018.
Kinikilala sa resolusyon ng World Bicycle Day ang kaibahan, pangmatagalan at bersatilidad ng bisikleta na ginagamit ng tao sa loob ng dalawang siglo.
Ang paggamit ng bisikleta ay abot-kaya ng publiko, maasahan, malinis at akma sa kapaligiran na gamitin bilang isang uri ng transportasyon.
Sinabi ni Ibarra Villaseran, digital marketing executive ng Truelogic at isang masugid na siklista sa lungsod, na ang kahalagahan ng paglalagay ng mga bike lanes at bike parking facilities ay inilunsad sa mga business districts upang masiguro ang kaligtasan ng mga empleyado at maging konbinyente ang mga ito sa paggamit ng bisikleta bilang transportasyon sa kanilang pagpasok sa trabaho matapos pansamantalang ipagbawal ng IATF ang pagbiyahe ng mga pampublikong sasakyan sa bansa noong kasagsagan ng pandemya.
Ayon kay Villaseran, naghain ang lungsod ng mga makabuluhang hakbang na magpapanatili at magpapalawak sa mga protektadong bike lanes sa kahabaan ng Ayala Avenue na magsisilbing ehemplo upang sumunod ang ibang lungsod.
Maraming benepisyo ang makukuha sa pagbibisikleta kabilang na dito ang pagpapabuti ng pisikal na kalusugan, pagpapataas ng mental well-being gàyundin ang pagbabawas ng traffic congestion.
Sa pakikipag-partnership sa 6788 Makati Skyline Plaza ay inilunsad ng Truelogic ang bike parking program upang masiguro ang ligtas at mas konbinyenteng bike parking options para sa mga empleyado sa lugar.
Isa sa naging magandang bunga sa pakikipag-partnership ay ang pagbuo ng secured bike parking facilities sa loob mismo ng mga gusali kung saan malaki ang naitulong nito sa mga mananakay ng bisikleta na mga empleyado at nangungupahan sa gusali. James I. Catapusan