MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Makati Mayor Abby Binay ang distribusyon ng ayuda na nagkakahalaga ng P19 milyon sa 39 sister localities na direktang naapektuhan ng bagyong Paeng gayundin nang lindol na sumalanta sa Abra nitong nakaraang taon.
“We are aware of the devastation caused by these disasters, and through this financial assistance, we want to help communities rebuild and bring back a sense of normalcy to their lives,” ani Binay.
Sinabi ni Binay na inaprubahan ng City Council ang pagrelis ng P19 milyon bilang ayuda sa 39 local government units (LGUs) nitong nakaraang Disyembre 1, 2022, sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2022-A-146 at City Ordinance No. 2022-A-147.
Ayon kay Binay, ang pondo na pinanggalingan ng ayuda ay kinuha sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund na base sa rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC).
Napag-alaman din kay Binay na ang alokasyon sa bawat sister LGU ay mula P250,000 hanggang P1 million na ibinabase sa kalubhaan ng pinsala ng imprastraktura, dami ng populasyon, bilang ng naapektuhang kabahayan gayundin ang gaano kalala ang tinamong pinsala na tutukuyin ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
“We hope that this assistance will help bring some relief and comfort to our sister LGUs, and I urge everyone to continue to work together and help our fellow Filipinos in this difficult time,” ani pa ni Binay.
Kabilang sa 39 na lokalidad na makatatanggap ng ayudang pinansyal na ipinagkaloob ng Makati LGU ay ang Enrile at Tuguegarao City sa Cagayan; Gasan, Marinduque; Legazpi City, Albay; Labo, Camarines Norte; Libmanan, Camarines Sur; Bato at Virac, Catanduanes; Libacao, Nabas, at New Washington, Aklan; Bugasong, Hamtic, Libertad, San Jose de Buenavista, at Tobias Fornier sa Antique; Cuartero, Dao, Dumarao at Sigma sa Capiz; Batad, Carles, Dumangas, Estancia, Iloilo City, Pototan at San Dionisio sa Iloilo; Pulupandan, Negros Occidental; Zamboanga City sa Zamboanga Del Sur; Datu Abdullah Sangki, General Salipada K. Pendatun, Pagalungan at Sultan sa Barongis sa Maguindanao.
Kasabay nito ay pinagkalooban din ng ayudang pinansyal ng lokal na pamahalaan ang mga lokalidad na naapektuhan ng lindol sa Abra na kinabibilangan ng Caoayan sa Ilocos Sur; at Bangued, Bucay, Dolores, Pilar sa Tayum, Abra.
Sa pagtatapos ni Binay ay sinabi ng alcalde na sa kasalukuyan ay mayroon nang 558 sister LGUs ang Makati sa buong bansa. James I. Catapusan