Home NATIONWIDE Makati-Taguig school ownership row ‘di pakikialaman ng DepEd

Makati-Taguig school ownership row ‘di pakikialaman ng DepEd

MANILA, Philippines – Iaasa ng Department of Education ang desisyon sa korte kung anong lungsod ang nagmamay-ari sa 14 na paaralan na itinayo ng Makati City government na ngayon ay nasa territorial jurisdiction na ng Taguig.

Ani DepEd spokesman Undersecretary Michael Wesley Poa, ipinag-utos na ng kagawaran ang pagbuo ng komite upang masiguro ang smooth transition ng pamamahala ng 14 na paaralan patungo sa Taguig.

Sinabi rin niya na kabilang sa transition plan ang utilities, existing contracts at paglilipat ng mga guro.

Ang 14 na paaralan ay ilalagay sa ilalim ng direct supervision ng Office of the Secretary sa panahon ng transition.

Dagdag pa rito, hindi maaapektuhan ang pagbubukas ng klase sa Agosto 29 sa mga nabanggit na paaralan.

“It is clear there is a Supreme Court decision. Ang pinagtatalunan na lang ay ‘yung ownership nung school buildings o structure. Pagdating sa ownership of the shool buildings, hindi po dapat kasama si DepEd. Pwede na pag usapan sa proper forum, whether it is a court or somewhere else,” sinabi ni Poa sa panayam ng TeleRadyo Serbisyo.

“‘Yan po ay disputed actually. Sa DepEd, it would be inappropriate for us to give an opinion on that because that is a legal dispute between the cities. Kasi ang nangyari, itong mga school building ay pinatayo ng Makati noong panahon na ang territorial jurisdiction ay nasa Makati. But with the Supreme Court decision, nalipat na sa Taguig.”

Bukas naman para kay Makati Mayor Abigail Binay ang desisyon na si Vice President at Education Secretary Sara Duterte muna ang mamahala sa 14 na paaralan.

“We look forward to working wholeheartedly with the transition team created by the Vice President,” pahayag ni Binay.

“This decision will greatly ease the worries and concers of our students, parents and teachers. Kaisa kami ni Vice President Sara sa kanyang layunin. Unahin natin ang kapakanan ng ating mga guro, mga kabataan at kanilang mga magulang.”

Nauna nang isinapinal ng Korte Suprema na ang mga lugar na bumubuo sa Enlisted Men’s Barrios (EMBOs) at kabuuan ng Fort Andres Bonifacio ay pagmamay-ari ng Taguig.

Sa kabila nito, sinabi ni Binay na ang mga lupain at paaralang itinayo sa mga lugar na ito ay na-procure ng Makati City government.

Sinabi rin niya na ang desisyon ng SC ay para lamang sa territorial jurisdiction at hindi sa isyu ng ownership.

“We procured those properties. It is by sale. Paano mangyayari na sila na ang may-ari by virtue of the Supreme Court decision? Para nilang sinabi, ‘yung buong [Bonifacio Global City] ay pagmamay-ari na ng lungsod ng Taguig. We’re not talking about political jurisdiction, we are talking about ownership,” naunang pahayag ni Binay.

Ayon kay Binay, dahil pagmamay-ari ng Makati City government ang naturang mga paaralan, handa niyang ipagamit ito sa Taguig ngunit pababayaran.

“Ako naman ang kakasuhan ng [Commission on Audit] dahil pinagamit ko ng libre. Ang gusto nila pati ‘yung bagong upuan, pati ‘yung Smart Lab, pati computer, pati projector, pati aircon, lahat ‘yun iiwan ko pero hindi sila magbabayad,” anang alkalde.

Itinanggi naman ng Taguig government ang pwersahan nitong pag-take over sa mga pampublikong paaralan sa kanilang teritoryo.

“Taking their cue from the DepEd Order, the public school officials, teachers, parents, community leaders, and the City of Taguig have been conducting regular meetings in preparation for the Brigada Eskwela and the opening of the school year,” pahayag ng Taguig City government.

“It is in this context that the DepEd Superintendent of Taguig and Pateros has requested assistance from the City of Taguig, including the deployment of security personnel to ensure the welfare of the students, teachers, and staff, and the peaceful and orderly conduct of the aforesaid activities,” dagdag pa.

Sinabi ni Binay na hindi binanggit sa DepEd Memorandum Order ang ownership ng school buildings “because they don’t own the schools.”

“Ili-lease ko ‘yung ibang properties pero ititira ko ‘yung iba para naman sa amin,” giit ni Binay. RNT/JGC

Previous articleEllen, napikon sa “tutubi”!
Next articleApektadong residente ng Mindoro oil spill kinuha sa Brigada Eskwela