
MALUNGKOT na tinanggap ng mga manggagawa ang
kakarampot na umentong ibinigay ng National Capital
Region- Regional Wage Board na kwarenta pesos
(P40) kada araw. Malayo ito sa orihinal na hinihingi
ng mga labor groups na isandaang piso (P100)
hanggang isandaan at limampung piso (P150) na
dagdag sa daily minimum wage.
Nadismaya ang mga pambansang grupo ng mga
manggagawa dahil baka maging senyales daw ito ng
mga susunod na desisyon ng iba pang mga regional wage boards.Sa kasaysayan kasi, mas mataas ang
ibinibigay na dagdag sweldo sa NCR kumpara sa iba
pang mga rehiyon. Kaya baka nga raw mas mababa
pa ang mga pwedeng asahang umento sa mga rehiyon
sa labas ng NCR.
Naintindihan ko ang lungkot at galit ng mga
obrero. Ano nga naman ba ang mabibili ng kwarenta
pesos? Isang kilong bigas siguro, pero yung
mumurahing klase. Hindi maputi at hindi mabangong
klase. Nagmahal ang asukal, mantika, gulay,isda, baboy
at manok. Ang kuryente at presyo ng gas at Liqufied
Petroleum Gas ay tumataas din.
Dahil sa malalang “inflation” ng ekonomiya natin,
sigurado akong kulang na kulang ang dagdag na
kwarenta pesos sa arawang pagkain at gastusin ng
isang odinaryong manggagawa para sa pamilya n’ya.
Hindi pa rin nito mapupuno ang maliit kong basket na
pamalengke.
Hindi ako kumbinsido sa argumento ng mga
negosyante na kapag tinaasan nang husto ang sweldo
ng daily minimum wage earners ay magpapahirap sa
mga maliliit na negosyo o mga small, micro at medium
enterprises o SMMEs. Pwede naman kasi mag-apply ng exception ang SMMEs para hindi muna sila
magpatupad nitong dagdag sweldo.
At ang mga mamumuhunan o investors ay pupunta pa
rin naman sa Pilipinas kahit medyo mataas ang
minimum wage natin, basta maayos ang kuryente,
bawas ang korapsyon at hindi pabago-bago ang
ating mga batas.
Kailangan palakasin ang kakayahan ng mga
ordinaryong tao na kumita at bumili ng kanilang mga
pangangailangan. ‘Pag nadagdagan ang kakayahan
nilang bumili, baka mas mapabilis ang pag-ikot at
pagbangon ng ekonomiya natin.
Buong bansa ang makikinabang dito.