MANILA, Philippines – Matapos batikusin at ilarawan bilang “ghost town” ni Sen. Raffy Tulfo ang overseas Filipino workers (OFW) Hospital sa San Fernando Pampanga, nangako ang Department of Migrant Workers (DMW) na pagbutihin ang serbisyo nito.
Sinabi ni DMW Undersecretary Hans Leo Cacdac na sang-ayon sila sa obserbasyon ni Tulfo na kailangang pagbutihin ang serbisyo ng ospital.
Ayon Kay Cacdac, kaisa ang DMW sa natuklasan ng butihing senador, na aniya ay talagang kailangan ng improvement, at nakikipag-ugnayan na sa tanggapan ng senador para mapalawig pa ang mga serbisyo sa OFW Hospital.
Sa kasalukuyan, sinabi ni Cacdac na ginagawa na nila ang panukalang batas, na naipasa na sa Kapulungan ng mga Kinatawan noong Mayo, na inilalagay ang pangangasiwa ng OFW Hospital sa ilalim ng direktang pangangasiwa at kontrol ng DMW.
Sinabi ni Cacdac na tiniyak sa kanila ni Tulfo na ipapanalo niya ang bersyon ng Senado ng panukalang batas.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya sila sa Department of Budget and Management (DBM) para sa pagkumpleto sa hospital staff.
Gayunpaman, hindi pa aniya itong mga regular na empleyado dahil wala pa rin silang plantilla opening.
Samantala, sinabi ni Cacdac na ang mga out-patient services ay bukas na ngayong weekend.
Bukod sa mga kasalukuyang OFW, sinabi ni Cacdac na ang ospital ay tutugon din sa mga dating OFW gayundin sa mga dependent at pamilya ng mga OFW. Jocelyn Tabangcura-Domenden