Home METRO Malakihang pustahan sa larong ‘pool’ sa Tondo, giniba ng MPD-SMART

Malakihang pustahan sa larong ‘pool’ sa Tondo, giniba ng MPD-SMART

MANILA, Philippines – INARESTO ng mga tauhan ng Special Mayor’s Reaction Team (SMaRT) ang nasa pitong kalalakihan na nagsusugal sa pamamagitan ng larong “pool” sa pampublikong lugar sa Tondo, Manila.

Ayon kay SMaRT Chief P/Maj. Emmark Dave Apostol, nahaharap sa kasong paglabag sa P.D. 1602 (Illegal Gambling) ang mga suspek na kinilalang sina Randy Agas, 32; Rico Francis Carreon, 43; Gorgonio Ecleo, 41; Engelbert Dimacally, 45; Michael Jan Delos Santos, 24; Resty Delos Reyes, 33; at Reynaldo Lumabas, 27, makaraang maaresto ang mga ito dakong alas-6:15 ng gabi nitong Martes sa isinagawang operasyon sa Tayuman St., Barangay 256, Tondo.

Ayon kay Maj. Apostol, nagreklamo ang isang concerned citizen sa tanggapan ni Manila Police District (MPD) Director B/Gen. Tomas Ibay na talamak umano ang ginagawang sugal sa pamamagitan ng larong pool sa nasabing lugar.

Nabatid pa na hindi umano kayang ipatigil ang nasabing larong pool sa gilid mismo ng kalye sa Tayuman dahil may nagbabanggit na protektado umano ito ng Office of the Mayor.

Dahil sa direktiba ni B/Gen. Ibay, agad na nagsagawa ng operasyon ang mga tauhan ni Maj. Apostol na nagresulta sa pagkaka aresto ng mga suspek.

Kinumpiska naman ng mga awtoridad upang gawing ebidensiya ang mismong pool table, dalawang tako, at P6,500 na cash money. JAY Reyes