MANILA, Philippines – Inaasahang tataas pa ang temperatura sa malaking bahagi ng mundo makaraang bumalik ang El Nino weather pattern sa tropical Pacific sa kauna-unahang pagkakataon sa nakalipas na pitong taon, ayon sa World Meteorological Organization nitong Martes, Hulyo 4.
Ang El Nino, o pag-init ng ibabaw ng dagat sa eastern at central Pacific Ocean, ay may kaugnayan sa matitinding weather conditions mula sa mga bagyo, malalakas na pag-ulan at tagtuyot.
“The onset of El Niño will greatly increase the likelihood of breaking temperature records and triggering more extreme heat in many parts of the world and in the ocean,” pahayag ni WMO Secretary-General Petteri Taalas.
Ayon sa WMO, mayroong 90% tsansa ng El Nino na iiral ngayong taon at inaasahang magiging “at least of moderate strength.”
Kinumpirma naman sa naturang pahayag ng WMO ang ulat noong nakaraang buwan ng US National Oceanic and Atmospheric Administration- Climate Prediction Center na nagbalik na nga ang El Nino phenomenon.
Kung babalikan, nataon sa malakas na El Nino ang pinakamainit na taon ng mundo sa rekord, noong 2016.
Karaniwang nagaganap ang El Nino phenomenon tuwing dalawa hanggang pitong taon, at tumatagal naman ng siyam hanggang 12 buwan.
Nagdudulot ito ng malalakas na pag-ulan sa bahagi ng southern South America, southern United States, Africa at Central Asia habang nagdudulot naman ito ng matitinding tagtuyot sa Australia, Indonesia, bahagi ng southern Asia, Central America at northern South America. RNT/JGC