Home NATIONWIDE Malaking drug bust sa Mexico, Pampanga ‘di ikinatuwa ng solon

Malaking drug bust sa Mexico, Pampanga ‘di ikinatuwa ng solon

MANILA, Philippines- Kung sa iba ay achievement na maituturing ang pagkumpiska ng malaking halaga ng droga, para kay Pampanga Rep. Aurelio Gonzales ay kasiraan ito ng isang lokal na pamahalaan.

Inihayag ito ni Gonzales kasunod ng pagkakabat ng 530 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P3.6 bilyon sa Mexico, Pampanga noong Setyembre 27.

Sa pagkadismaya ay ipinanawagan pa ni Gonzales ang isang House inquiry upang alamin kung saan nanggagaling ang maraming ilegal na gamot na pumapasok sa Pampanga.

“We are saddened and alarmed by this turn of events in our beloved province, one of the growth centers in Central Luzon. Pampanga is not known as the home ground of drug traffickers, but the latest drug confiscations are giving it a bad image,” pahayag ni Gonzales.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang nasabing shabu ay nakumpiska sa isang warehouse sa Mexico at pinaniniwalaang ang nasabing ilegal na gamot ay nakapasok ng bansa sa pamamagitan ng Subic Freeport.

Matatandaan na noong nakaraang buwan ay nasa 200 kilo ng shabu ang nakumpiska sa isang abandonang sasakyan sa parking lot ng isang supermarket sa Barangay Mabiga sa Mabalacat, Pampanga.

Sinabi ni Gonzales na maghahain siya ng House Resolution para magkaroon ng imbestigasyon kung sino ang nasa likod ng mga drug shipments at kung paano ito nakapapasok sa bansa.

Ipinanawagan din ni Gonzales na tanggalan ng business permits ang mga warehouse kung saan nakumpiska ang mga kontrabado.

Bagama’t dismayado sa mga ilegal na gamot na nakukumpiska sa warehouses sa Mexico, Pampanga, pinuri naman ni Gonzales ang kapulisan na matagumpay sa kanilang trabaho sa pagbabantay at pagkumpiska sa ilegal na droga. Gail Mendoza

Previous article7 neneng nasagip sa ‘sex den’ sa Laguna
Next articleDQ cases vs BSKE candidates posibleng pumalo sa 1K – Comelec