MANILA, Philippines- Kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes na nagkaroon ng matinding pinsala sa marine environment at coral reef sa seabed ng Rozul Reef at Escoda Shoal sa West Philippine Sea (WPS).
Nagsagawa ng Maritime patrols ang BRP Sindangan at BRP CABRA matapos makita ang 33 at 15 Chinese maritime militia (CMM) vessels sa Rozul Reef at Escoda Shoal, mula Agosto 9 hanggang Setyembre 11.
“The surveys conducted in Escoda Shoal revealed visible discoloration of its seabed, strongly indicating that deliberate activities may have been undertaken to modify the natural topography of its underwater terrain,” ani PCG spokesperson for WPS Commodore Jay Tarriela.
Ayon kay Tarriela, posibleng inani, naproseso, at ibinalik sa seabed ang mga korales.
“The presence of crushed corals strongly suggests a potential act of dumping, possibly involving the same dead corals that were previously processed and cleaned before being returned to the seabed,” pahayag niya.
Ayon pa kay Tarriela, ang marine ecosystem sa dalawang features ng WPS ay lumitaw na walang buhay o may kaunti hanggang walang mga palatandaan ng buhay.
Ang patuloy aniya na pagdagsa ng mga sasakyang pandagat ng CMM para sa umano’y ilegal at mapanirang aktibidad ng pangingisda “may have directly caused the degradation and destruction of the marine environment in the WPS features.”
Binibigyang-diin ng PCG ang kahalagahan ng pagprotekta at pag-iingat sa marine environment, na gumaganap ng mahalagang papel sa pagpapanatili ng marine life at pagsuporta sa mga lokal na komunidad.
Sinabi ng Armed Forces of the Philippines’ Western Command (Wescom) noong Sabado na mayroong mga kaso ng malawakang pag-aani ng coral sa kahabaan ng Rozul Reef, na nasa loob ng exclusive economic zone ng bansa.
Sinabi pa ni Tarriela na ang PCG at Philippine Navy ay magtutulungan upang masiguro ang presensya ng mga barko ng Pilipinas sa lugar .
Para sa posibleng diplomatic at legal actions, inihayag ni Tarriela na ang PCG ay makikipag-ugnahan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DOJ).
Makikipag-ugnayan din aniya ang PCG sa UP Marine Science Institute (MSI) gayundin sa mga “kaibigan at kaalyado” tungkol sa usapin. Jocelyn Tabangcura-Domenden