Home HOME BANNER STORY Mayor Malapitan kaladkad ng ‘Marine One’

Mayor Malapitan kaladkad ng ‘Marine One’

KINAKALADKAD ng mga negosyanteng Chinese na may-ari ng bagong prostitusyon den sa Caloocan City ang pangalan ng alkalde ng lungsod para hindi ito mabulabog ng mga awtoridad.

Ayon sa source ng Remate, ikinakalat ng mga negosyanteng Chinese na kasosyo nila si Mayor Along Malapitan sa bagong bukas na Marine One Bar and Spa na nasa 6th Floor ng Nice Hotel sa 1798 McArthur Highway Caloocan City kaya hindi raw ito maipasasara ng kahit na sino, maging ng city hall.

Inirereklamo ng mga concerned citizen ang Marine One Bar and Spa dahil hindi naman umano ito tumatakbo bilang simpleng bar at masahihan bagkus ay isang “high end” na prostitution den sa mismong pusod ng Caloocan.

Gumagamit ito ng social media gaya ng FB page, Tiktok at Instagram para ipagmalaki, hindi lang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo na mayroong bagong putahan sa lungsod ni Mayor Malapitan.

Bukod kay Mayor Malapitan, ipinagyayabang din daw ng mga may-ari ng Marine One Bar and Spa na may “kapit” sila sa ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Interior and Local Government (DILG) kaya walang “makatitibag” sa kanilang operasyon.

Sa katunayan umano, noong mag-grand opening ang Marine One ay may mga matataas na opisyal ng city hall, PNP, NBI at DILG na dumalo sa okasyon para patunayang ito ay “untouchable” o hindi basta-bastang establisimiyento na nagbebenta ng laman ng kababaihan.

Bagama’t pinapuputok ng Marine One Bar and Spa na kasosyo dito si Mayor Malapitan, sinabi ng source na hindi siya naniniwala sa pagsasabing gimik lang ito ng mga negosyanteng Chinese para hindi ito ipasara ng city hall.

Sa katunayan, isa umano sa kampanya ni Mayor Malapitan na labanan ang pang-aabuso sa kababaihan.

Kapag nalaman umano ni Mayor Malapitan ang bentahan ng laman sa Marine One ay pihadong hindi ito palalagpasin ng alkalde.

Previous articleUPDATE: 1 patay sa bumagsak na bahagi ng simbahan sa SJDM
Next articleDuterte may hugot ngayong Valentine’s Day