Kamakailan lamang, pinag-pistahan sa social media at mga balita ang isang local airline company.
Marami ang sumakay sa isyung ito. Nakibanat at nakigulo lamang ang karamihan.
Buti na lang, sadyang may mga taong imbes na magdikdik ng problema, nakita itong pagkakataong makagawa ng solusyon.
Mapagkumbabang humingi ng paumanhin ang local airline company na binugbog…isang katangiang bibihira nang makita sa mga panahong ito.
Hindi nagpapalusot o nagbibigay ng kung ano-anong rason. Hindi naninisi ng iba.
Sa gitna pa ng mga sulsulang panunumbat, pinairal pa ng airline company ang malasakit.
Gumawa ito ng mga pagbabago upang makatugon sa mga hinaing.
Masasabi kong nagsimula at sumikat ang kompanyang ito dahil sa malasakit.
Hindi ba’t nang dahil sa kanila, mas maraming kababayan na natin ang nakasasakay na sa eroplano para bumiyahe?
Malasakit din ang nangibabaw kay OFW Partylist Representative Marissa “Del Mar” Magsino nang maghain ito ng isang resolusyon sa kamara, ang House Resolution No. 1105.
Isang resolusyong may tamang pananaw sa isyu ng mga delay at cancellation.
Una, nangyayari sa lahat ng airline companies ang mga kaganapang tulad nito.
Pangalawa, lubhang apektado ang sektor ng mga OFW dahil bahagi ng buhay at hanapbuhay nila ang maglakbay gamit ang serbisyo ng airline companies.
Naglalayong mahanapan ng solusyon ng HR No. 1105 ang isyu upang mapaganda ang serbisyo para sa mga OFW.
Malasakit din para sa mga OFW ang inihayag na pagsuporta ng United Filipino Global (UFG) sa resolusyong inihain, at sa pag-alay na anomang makakayanang partisipasyon upang agarang maabot ang layunin ng resolusyon.
May malasakit ang pahayag nitong pangulo ng UFG na si Ms Gemma Sotto na dapat magkaisa ang lahat ng sektor upang itaguyod ang morale and welfare ng mga OFW.
Napapanahon nang suriin ang mga polisiya ng airline at aviation industry natin.
Mainam na sukli sa sakripisyo at kabayanihan ng mga OFW ang malasakit ng lahat ng stakeholders sa airline and aviation industries na matuldukan ang problema sa flight delays at cancellations.
Dapat magpursigi ang pamahalaan na ayusin ang mga airport upang mabawasan ang siksikan o congestion na sa totoo lang ay isang nangungunang ugat ng problema.
Sa kabilang banda, dapat ding pagmalasakitan ng airline companies ang mga OFW at magkaroon ng napapanahong pagbabago sa mga patakaran o sistema para sa mas magandang serbisyo.
Sa akin, resulta lamang ang isyu ng delays at cancellations ng makalumang patakaran, polisiya at imprastraktura na hindi na angkop para tugunan ang patuloy na lumalaking demand sa airline industry. Mahalagang maramdaman ang malasakit hindi lamang para sa mga OFW kundi para sa lahat ng mga pasahero ng eroplano.
Walang ibang paraan upang tugunan ito kundi pag-aralan muli ang mga polisiya, imprastraktura, regulasyon at sistemang umiiral sa aviation industry para umakma ito sa mga hamong kinahaharap sa kasalukuyan.