Home OPINION MALASAKIT SA MUNDO

MALASAKIT SA MUNDO

333
0

MUKHANG malapit na nga ang tag-ulan kahit na papunta rin tayo sa panahon ng El NiƱo. Dumadalas na kasi ang mga malalakas na pagkulog at pagkidlat at nagiging maulan na tuwing hapon sa malaking bahagi ng Metro Manila at mga karatig na lalawigan.

Ganoon kabilis na natapos ang tag-tuyot ng 2023 at malamang nga ay sasalubungin natin ang epekto ng isang ‘super typhoon’ ngayong weekend.

Mabuti na rin at hindi masyadong nagtagal ang sobrang init nito ng mga nakaraang linggo, pero huwag naman sana na malalakas na bagyo at mga mala-delubyong ulan ang dumating.

Ayaw rin naman natin na bumaha sa syudad, gumuho ang mga lupa at magdala ng sakuna ang masamang panahon.

Pero ‘yan na nga yata ang bagong realidad ng buhay natin. Ang pabago-bagong panahon at ang mga epekto ng ‘climate change’. Kakaibang hamon talaga ang dala nito.

Nabanggit ng anak ko na nabasa n’ya ang pagsusuri ng mga siyentista at mga eksperto sa climate change. Ayon daw sa datos, umiiksi na ang natitirang panahon para umak-syon nang tama ang mga nasa gobyerno at mga inudstriya para maiwasan ang malawakang sakuna na dala ng climate change.

At halos sigurado ang mga eksperto na ang mga gawi at gawain ng tao ang nagpapalala ng climate change sa buong mundo. Malinaw na marami at malawak ang mga pagbabagong kailangang ipatupad.

Hindi pa huli ang lahat, pero malinaw na kailangan ang mabilis na tugon ng pamahalaan.

At ‘yun, sa tingin ko lang, ang malaking pagkukulang ngayon. Mukhang mabagal sa desisyon, kapos sa aksyon, at hindi nagmamadali ang mga opisyal at mga kinauukulan. Lalo na ang Department of En-vironment and Natural Resources o DENR.

Kabi-kabila ang mga krisis sa kalikasan na nagpapalala sa climate change, pero parang wala lang sa DENR.

Andyan ang Mindoro Oil Spill, mga barikada ng mga tao laban sa minahan sa Sibuyan Island at sa Palawan at mga katutubong apektado ng Kaliwa Dam sa Sierra Madre.

Bukod pa rito ang mga reclamation projects sa Manila Bay.

Ngayon pala ay ipinagdiriwang ang Laudato Si’ Week 2023 para sa maraming Katoliko. At kasama sa panalangin ko ay maliwanagan sana ang mga lider ng bansa natin na kailangang dagdagan ang malasakit at dedikasyon sa pangangalaga ng kalikasan.

Previous articleHURRAH FOR UCC COLLEGE OF LAW
Next articleSouthwesterly windflow magpapaulan sa bahagi ng Mindanao

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here