Home NATIONWIDE Malasakit Team ni Bong Go, 3-araw umayuda sa Pangasinan

Malasakit Team ni Bong Go, 3-araw umayuda sa Pangasinan

MANILA, Philippines – SA loob ng tatlong araw, namahagi ang Malasakit Team ni Senator Christopher “Bong” Go, sa kabuuang 284 mahihirap na residente sa mga munisipalidad ng Binmaley, Dagupan City, Bautista, Calasiao, Urbiztondo at Mangatarem sa lalawigan ng Pangasinan.

Nakipag-coordinate ang Malasakit Team kina Binmaley Mayor Pedro Merrera III, Dagupan City Mayor Belen Fernandez, Bautista Mayor Joseph Espino, Calasiao Mayor Kevin Macalalay, Urbiztondo Mayor Modesto Mejia Operaña, at Mangatarem Mayor Ramil Ventenilla.

Mula Disyembre 13 hanggang 15, idinaos ang relief activities sa municipal sports complex ng mga nasabing bayan.

Kasabay nito, ang Department of Trade and Industry (DTI), sa pamamagitan ng Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG) program, ay nagbigay ng livelihood kits sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Si Go, adopted son ng Pangasinan, ay patuloy na sinusuportahan ang PPG na tumutulong sa mga micro-entrepreneur para makabangon mula sa mga krisis.

“Nais kong magpasalamat sa DTI sa inyong PPG program dahil hindi lamang ito nagbibigay ng tulong kundi pati na rin ng sapat na kaalaman at kakayahan sa pagnenegosyo para sa mga pamilyang bumabangon mula
sa mga krisis,” ani Go.

“Palaguin niyo ang inyong negosyo. Kapag lumago ang inyong negosyo, dalhin niyo po ang mga kita sa inyong pamilya… mas masarap sa pakiramdam kapag pinagpawisan at pinaghirapan niyo po ang inyong pagnenegosyo at napalago ninyo ito,” panawagan naman ng senador sa mga benepisyaryo.

Isa rin si Go sa mga may-akda at co-sponsor sa Senado ng Republic Act 11960, na tinatawag ding One Town, One Product (OTOP) Philippines Act.

Ang batas ay idinisenyo upang palakasin ang entrepreneurship at lokal na pagsulong ng ekonomiya sa pamamagitan ng pagsuporta sa mga natatanging produkto mula sa iba’t ibang bayan sa buong bansa.

Hinihikayat ng programang OTOP ang mga Pilipino na ipagmalaki ang kanilang mga lokal na produkto.

Hinimok din ni Go ang mga benepisyaryo na kung kakailanganin ay lumapit sa Malasakit Center na matatagpuan sa Region 1 Medical Center sa Dagupan City, o sa alinman sa 159 Malasakit Centers sa buong bansa.

Pinagsama-sama ng Malasakit Centers ang mga kinatawan mula sa Department of Social Welfare and Development, Department of Health (DOH), Philippine Health Insurance Corporation, at Philippine Charity Sweepstakes Office.

Ang mga one-stop shop na ito ay tumutulong sa mahihirap na pasyente sa pagbabawas ng kanilang gastos sa ospital sa pinakamababang posibleng halaga sa pamamagitan ng iba’t ibang programang tulong-medikal na ginawang accessible sa ilalim ng isang opisina.

Si Go ang pangunahing may-akda at sponsor ng RA 11463 o Malasakit Centers Act of 2019, na ngayo’y nakatulong na sa mahigit 10 milyong Pilipino. RNT

Previous articlePBBM sa Asian Zero Emission Community, mamuhunan sa renewable energy industry sa Pinas
Next article5,400 pasahero stranded sa Port of Manila – PCG