Home METRO Malaysian huli sa P25.3M shabu sa NAIA

Malaysian huli sa P25.3M shabu sa NAIA

MANILA, Philippines – Arestado ang isang 27-anyos na Malaysian national dahil sa tangkang pagpupuslit ng illegal na droga sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ayon sa report ng Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), kinilala ang suspek na si Mohammad Ahtsham Bin Mohammad Afzal, na dumating sakay ng Ethiopian Airline Flight ET644 mula Addis Ababa, Ethiopia, at nagmula sa Antananarivo, Madagascar sakay ng Ethiopian Airline Flight ET852.

Nakuha sa suspek ang dalawang improvised pouches na binalot sa packaging tape na naglalaman ng tinatayang nasa 3,722 gramo ng shabu at nagkakahalaga ng P25,309,600.

Maliban dito, nakuha rin kay Afzal ang black luggage na naglalaman ng tape-bundled clothes; Malaysian passport; dalawang boarding passes na may baggage tag; customs baggage declaration form; Malaysian national ID card; at cellphone.

Si Afzal ay naaresto sa isang “interdiction operation” na isinagawa sa Customs International Arrival Area, NAIA Terminal 3, Pasay City bandang 9:20 ng gabi nitong Huwebes, Oktubre 12.

Ang nakumpiskang bagahe ay sasailalim sa seizure and forfeiture proceedings habang iniimbestigahan naman ang naarestong pasahero para sampahan ng kasong paglabag sa Republic Act (RA) 9165, o Comprehensive Drug Act of 2002, at RA 10863, o Customs Modernization and Tariff Act. RNT/JGC

Previous articleNasawing Pinoy sa Israel-Hamas war, 3 na!
Next articleSen. Tolentino: Regulasyon ng MARINA, pahirap sa mangingisda