Home OPINION MALI ANG SIMULA

MALI ANG SIMULA

ANG mga pahayag na inilahad kamakailan ni Juliet de Lima, interim chairperson ng National Democratic Front  negotiating panel at biyuda ng yumaong communist party founder na si Jose Ma. Sison, ay parang asong ulol na nagpapahamak sa panibagong pagtatangka na magkaroon ng usapang pangkapayapaan.

Binibigyang-diin nito na kumplikado talagang makipag-usap sa NDF at unawain ang mailap nitong paninindigan sa usapang pangkapayapaan. Ang pagtanggi sa kagustuhang sumuko, samahan pa nang mga akusasyong nagpapakalat daw ng mga maling impormasyon si Defense Secretary Gibo Teodoro, ay nagpapatunay na totoong malaking hamon ang makipagdayalogo sa komunistang grupo.

Ang malinaw na hindi pagkakasundo sa mismong negotiation panel ng gobyerno ay nagdadagdag lamang ng panibagong ‘layer’ ng paghamon, kasabay nang pagtukoy ni De Lima sa mga hindi raw pagkakatulad ng paninindigan ni Teodoro sa pinag-isang pahayag na napagkasunduan ng magkabilang panig noong nakalipas na buwan.

Ang paggiit ng NDF na talakayin muna ang ‘substantive agenda items’ bago ang pagpapatigil ng mga pag-atake ay nagpapakita ng pagtatangka nilang manduhan ang paghaharap bago pa man ituloy ang pormal na pag-uusap. Ang pre-emptive positioning na ito, na nagbibigay-diin sa mga prinsipyo kaysa pag-amin sa pagkakamali, ay senyales na tunay na mapaghamon ang pagpupursigeng magtamo ng tunay at pangmatagalang kapayapaan.

Mapapaisip tuloy tayo muli: Gusto ba talaga nila ng kapayapaan?

Kasinungalingan at Panloloko 

Kinailangan ko pang i-Google ang gaslighting at ikonekta ito sa mga nakalipas na pahayag mula sa tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na si Wang Wenbin — perpektong paglalarawan sa nakakahumalingan ng China na mga kasinungalingan at panloloko. Ang paninisi sa Pilipinas sa tumitinding tensiyon sa mga pinagtatalunang maritime territories habang ipinagkikibit-balikat ang mga agresibong pagkilos ng China, ay isang klasikong halimbawa ng diplomatic gaslighting.

Ang anunsiyo ni Pangulong Marcos sa Japan nitong weekend na isinusulong niya ang isang “paradigm shift” sa pakikipag-ugnayan sa China ay walang ipinagkaiba sa paghingi ng saklolo. Ang apela niya para sa pandaigdigang koordinasyon sa mga usaping pangreguridad na ito sa rehiyon ay isang pag-amin na nabigo ang mga naunang tradisyunal na diplomatikong ugnayan.

Ang pagtanggi ng China na kilalanin ang pasya ng Permanent Court of Arbitration na nagbasura sa kanilang territorial claims ay isang lantarang pambabalewala sa pandaigdigang batas. Ang Pilipinas, sa suporta ng mga kaalyado nito, ay dapat na magpatuloy lang sa paglalantad sa mga kasinungalingan ng China at papanagutin ito sa pagpapakana ng kaguluhan sa rehiyon.

                               *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

 

Previous articleSALAMAT SA PAGKILALA, SUPORTA
Next articleDENGVAXIA PARENTS WANT JUDGE ‘OUT’ FOR ‘DISOBEDIENCE’