Home NATIONWIDE Maliliit na negosyo saklolohan- Yamsuan

Maliliit na negosyo saklolohan- Yamsuan

Manila, Philippines-Itinulak ni Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan ang agarang pagsasabatas ng panukala sa Kongreso na naglalayong mabigyan ng pautang sa mababang interes ang maliliit na negosyo para hindi na maging biktima ang mga ito ng mga “five-six” moneylender.

Ayon kay Yamsuan, nakapaloob sa House Bill (HB) 7363 ang solusyon para masaklolohan ang mga maliit na negosyante mula sa magugulang na nagpapautang at scammer.

Mga sari-sari store owner, market vendor, carinderia owner at iba pang maliliit na negosyante ang makikinabang kapag naisabatas na ang bill na ito, dagdag pa ni Yamsuan.

Sa ilalim ng HB 7363 o ang panukalang ‘Pondo sa Pagbabago at Pag-asenso Act (P3), walang hihinging kolateral at madali lang ang mga requirement ng gobyerno para makapangutang ang micro and small enterprises (MSEs).

Ang interes naman ay hindi lalagpas sa 2.5 percent kada buwan, ayon kay Yamsuan na isa sa mga pangunahing may akda ng bill.
“Kung may 4Ps para sa mga mahihirap nating mga kababayan, dapat ay may P3 naman para sa micro entrepreneurs natin tulad ng mga may-ari ng mga sari-sari store, carinderia at iba pang maliliit na negosyo,” ani Yamsuan.

“Mahihikayat natin silang palaguin ang kanilang negosyo sa ilalim ng P3 sa halip na umasa lang sa mga nagpapa-‘five-six’ kung saan mababaon lang lalo sila sa utang. Kapag naman napalago na nila ang negosyo, kukuha sila ng dagdag na empleyado kaya’t makatutulong ito para mabawasan ang mga walang trabaho,” ayon pa kay Yamsuan.

Nakasaad sa HB 7363 na ang Small Business Corp. ng Department of Trade and Industry ang direktang magpapautang sa mga ia-accredit nitong maliliit na bangko, kooperatiba, non-stock savings and loan associations at iba pang kwalipikadong lending companies para makarating ang pondo sa MSEs.
Mula sa P5,000 hanggang P200,000 ang pwedeng ipautang sa MSEs sa ilalim ng P3 Fund.

Kapag direktang umutang sa SBC ay 1 percent lang ang interes kada buwan, at 2.5 percent naman kapag sa accredited na lending institutions.

Mas mainam ito kaysa sa 20 percent na patong ng mga nagpapa-‘five-six’ kung saan hindi na makaahon ang mga umutang dahil sa laki ng interes.

Naipasa na ng Kamara ang HB 7363 noon pang Marso ng nakaraang taon at hinihintay na lang ang counterpart bill nito na maaprubahan ng Senado. RNT

Previous articleDOH: Gluta pang-kanser, ‘di pampaputi
Next article“Unless otherwise provided by law” mainam na solusyon sa economic provision sa Konstitusyon – retired justice