Home NATIONWIDE Mamamayan binalaan laban sa People’s Initiative

Mamamayan binalaan laban sa People’s Initiative

MANILA, Philippines – Binalaan ng mga opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, Sangguniang Laiko ng Pilpinas at constitutional experts ang mamamayang Pilipino sa isinusulong na People’s Initiative na naglalayong baguhin ang 1987 constitution.

Kasabay nito, hinimok ni Tagbilaran Bishop Alberto Uy ang mamamayan ng Bohol na huwag lumagda sa umiikot na signature campaign o People’s Initiative na layong isulong ang Charter Change.

Sinabi ng Obispo , anumang inisyatibo na hindi dumaan sa wastong konsultasyon at talakayan ay hindi makatarungan at malinaw na pagsusulong lamang ng interes ng iilang indibidwal.

“As Bishop of Tagbilaran, I advised our Boholano faithful not to trade their signatures for charter change. An initiative claiming to represent the people, without genuine input and consultation from the community, may ultimately serve the interests of only a select few,” ayon pa mensahe ni Bishop Uy.

Sinabi naman ni Legazpi Bishop Joel Baylon nandapat maginh maingat ang bawat mamamayan na at mapanuri sa mga impormasyong kumakalat partikular na sa paglagda sa anumang petisyon lalo’t higit nakasalalay dito ang kinabukasan ng bayan.

Pinaalalahanan nv Obispo ang mamamayan na pag-aralan ang isinusulong na charter change at iwasan magpadala sa tukso ng anumang pinansyal o materyal na kapalit ng kanilang lagda.

Paliwanag pa ng Obispo, kinakailangang nakabatay at para sa kabutihan ng sambayanan ang layunin ng pag-amyenda ng Konstitusyon kung saan hindi dapat na maisantabi ang anumang kalayaan at karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino.

Pairalin ang diwa ng pagiging tunay na Kristiyano at Pilipino, ayon naman kay Dipolog Bishop Severo Caeare lalo na sa kanyang nasasakupan .

Ayon kay Bishop Caermare, may mga ulat sa kanilang lalawigang nagsagawa ng signature campaign sa nasabing intensyon kapalit ang salapi upang lumagda ang mamamayan.

Nanindigan ang obispo na hindi dapat madaliin ang pagpapalit ng Saligang Batas lalo’t ito ang gabay ng isang bansa.

Pinayuhan naman ni Caritas Philippines President Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo ang mga mambabatas at pamahalaan na huwag pag-aksayahan ng panahon at pera ang pagbabago sa saligang batas sa halip ay tutukan ang pagkakaloob ng kalidad na serbisyo publiko sa mamamayang Pilipino.

Ipinaliwanag ng Obispo na sadyang nakababahala rin ang tunay na intensyon ng mga patuloy na nagtatangkang amyendahan ang Saligang Batas lalo na sa pamamagitan ng isang kaduda-dudang inisyatibong nagsasantabi sa isang patas at maayos na proseso na kung saan may tunay na partisipasyon ang publiko.

Giit ng Obispo, hindi mababago ang posisyon at paninindigan ng CBCP na kinakailangang nakabatay at para sa kabutihan ng sambayanan o ng common good ang layunin ng pag-amyenda ng Konstitusyon kung saan hindi dapat na maisantabi ang anumang kalayaan at karapatang pantao ng bawat mamamayang Pilipino.

Pagbabahagi pa ni Bishop Bagaforo, dapat ring nakabatay sa katotohanan at kaayusan ng bayan ang anumang plano na pagbabago ng Saligang Batas ng Pilipinas.

Pinaalalahanan ng Sangguniang Laiko ng Pilipinas ang bawat isa na ituring na sagrado at mahalaga ang kanilang boto at lagda.

Giit ni LAIKO President Xavier Padilla na dapat maging mapagmatyag at pag-aralan ng bawat isa ang usapin ng isinusulong na Charter Change upang magkaroon ng naaangkop na kaalaman para sa pagdidesisyon para sa bayan

“We encourage our brothers and sisters, the lay people, to be more aware and discerning regarding these moves. And to keep their vote and signature sacred.” Ang bahagi ng pahayag ng SLP.

Paliwanag ng LAIKO, sadyang hindi magiging patas para sa lahat ang isinusulong na pagbubuo ng Constitutional Assembly sapagkat maaaring maisantabi ang mga pro-life at pro-family probition sa Konstitusyon lalo na’t mailang ulit ng isinusulong ng mga Kongresista ang mga anti-life bills sa Kongreso kabilang na ang pagsasabatas ng diborsyo at same sex marriage sa bansa.

Una ng pinaalalahanan ni Bishop Pabillo ang bawat mamamayan laban sa kumakalat na inisyatibong nagsusulong ng pagbabago ng Saligang Batas sa pamamagitan ng paglagda sa isang petisyon upang bumuo ng isang Constitutional Assembly kung saan maaring mabalewala ang boto ng 24 na mga Senador kumpara sa 315 mga Kongresista sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)

Previous articleThirdy Ravena bida sa ika-7 panalo ng San-En
Next articleNiratipikahang konstitusyon pinagtibay ng POC