MANILA, Philippines – Pumayag ang Commission on Elections (Comelec) en banc na suspindihin ang proklamasyon ng mga kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na mananalo sa darating na halalan ngunit may hindi pa nareresolbang disqualification cases.
Sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na payag silang isuspinde ang proklamasyon ng nanalong kandidato kapag may merito ang kaso, may ebidensya laban sa isang kandidato at kung hindi pa mareresolba ang kaso bago mag-eleksyon.
Inihayag ni Garcia ang desisyon ng en banc sa sidelines ng memorandum of agreement signing kasama ang Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang hakbang na ito ay malalapat sa mga kandidatong may hindi naresolbang mga kaso tulad ng maagang pangangampanya o pagbili ng boto.
Pinabulaanan ni Garcia ang mga argumento na nagtatapos ang hurisdiksyon ng poll body kapag lumabas na ang mga resulta ng mga boto.
.
Sinabi ni Garcia na walang dapat ipag-alala ang mga barangay kung ang kanilang nanalong kandidato sa kanilang lokalidad ay hindi agad naiproklama dahil sa pending disqualification case.
“May kagawad naman na number one, under local government code, siya muna ang magsasucceed, hanggat hindi nare-resolve iyong kaso na nasa komisyon.”, sabi ni Garcia.
Binanggit din ni Garcia ang posibilidad na gamitin ang parehong stratehiya para sa 2025 national at local elections (NLE).
Samantala, ang lumagda ng kasunduan ang Comelec kasama ang DILG ay upang masiguro na lahat ng local government units (LGU) ay susunod sa mga alituntunin ng BSKE at iwasang suportahan ang BSK bets’ vote-buying strategies.
Sa pamamagitan aniya ng DILG, mapapagsabihan ang mga local officials na huwag makialam sa ating barangay election at huwag mamimigay ng gagamitin sa pamimili ng boto.
Nauna na ring nagbabala ang Comelec sa mga local officials na iwasang isangkot ang mga kandidato ng BSK sa pamamahagi ng lokal na tulong dahil ito ay maaaring ipagpalagay o ma-classify bilang vote buying.
Gayundin, pinaalalahanan ni Garcia ang lahat ng kandidato na manatili sa P5 per voter budget rule para sa darating na campaign period.
Nagpaalala rin ang Comelec na mas magandang huwag nang mamigay , maghagis o mag-abot ng anumang bagay o iba pang campaign giveaways
dahil kinokonsidera itong vote-buying.
Sa ngayon, nasa 60 reklamo ng vote buying ang naisumite sa Comelec at nasa ilalim na ng verification.
Inaasahan naman ng Comelec na mas marami pang petisyon ang ihahain habang papalapit ang campaign period mula Oct.19 hanggang 28.
Tungkol sa premature campaigning, ang Comelec ay nakapaghain na ng 107 disqualification petitions at naglabas ng 5,768 show cause orders laban sa mga kandidato ng BSK na may mga tugon mula sa 2,340 recipients.
Sa kanyang panig, nangako si DILG Secretary Benhur Abalos na mangunguna sa isang information campaign sa vote buying at vote selling sa lahat ng LGU, gayundin ang pagsasanay sa mga tauhan ng DILG at lokal na pamahalaan sa pagtukoy at pangangalap ng ebidensya sa mga paglabag sa halalan.
“We’re ready to support the Comelec to safeguard the ballot. Labanan natin ang pagbili at pagbebenta ng boto, isang pinakamasamang kanser ng lipunan,” sabi ni Abalos .(Jocelyn Tabangcura-Domenden)