Home NATIONWIDE Mandatory contributions ng Pag-IBIG, PhilHealth nagbabadyang tumaas ngayong 2024

Mandatory contributions ng Pag-IBIG, PhilHealth nagbabadyang tumaas ngayong 2024

MANILA, Philippines- Kasalukuyang hinihintay ng Pag-IBIG Fund ang go signal ng Malacañang upang ipatupad ang karagdagang monthly contributions mula sa kanilang mga miyembro, ayon sa ulat nitong Huwebes.

Nakatakdang itaas ng Pag-IBIG ang mandatory contributions mula P100 sa P200. sinabi ng government owned and controlled corporation (GOCC) na magreresulta ang bagong kontribusyon sa P38 bilyong pondo, na magbibigya-daan sa karagdagang P1 milyong housing loans nang hindi itinataas ang interest rates.

Tinutulan naman ito ng minimum wage workers.

Samantala, inihayag ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) ang suporta sa dagdag-kontribusyon, na sinabing ito ay “investment”.

“’Yan ay investment, parang forced savings yan. Kumikita pa ng interes, so hindi mabigat para sa amin yan para sa mga worker namin. Kaya very readily pumayag kami,” wika ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis Jr.

Gayundin, nilalayon ng PhilHealth na ikasa ang 5% increase sa mandatory contributions para sa taon at hinihintay ang pagpayag ng Malacañang.

Base sa GOCC, mabibigyang-daan nito ang dagdag na health benefits para sa mga miyembro nito.

“Una, meron tayong benefit package para sa magpapagamot ng tuberculosis using DOTS P4,000 yan. Yung mga nakagat ng stray animals meron tayong animal bite treatment package P3,000 yan at sa pasyente ng HIV-AIDS meron tayong outpatient treatment package at yan ay sa kabuuang P30,000 kada taon,” sabi ni PhilHealth Acting Vice President for Corporate Affairs Rey Balena. RNT/SA

Previous articleBuwanang payout ng financial aid fake news – DSWD
Next article104 grupo naghain ng manipestasyon para sa 2025 party-list race