Home METRO Mandatory face mask ‘di kailangan sa gitna ng pertussis outbreak sa QC...

Mandatory face mask ‘di kailangan sa gitna ng pertussis outbreak sa QC – opisyal

Larawan kuha ni Danny Querubin

MANILA, Philippines- Hindi kailangang gawin muling mandatoryo ang pagsusuot ng face mask sa gitna ng outbreak ng “whooping cough” o pertussis sa Quezon City, ayon sa lokal na pamahalaan nitong Biyernes.

“Hindi naman po necessary na mandatory ang pagsusuot ng face mask, lalung-lalo na kung wala naman kayo sintomas,” pahayag ni Dr. Rolando Cruz, OIC ng Quezon City Epidemiology and Surveillance Division.

Sa kabila nito, pinayuhan ni Cruz ang publiko na nakararanas ng sintomas ng nasabing sakit na magsuot ng face mask sa bahay at tuwing lalabas, partikular kapag may kasamang bata.

“Importante po ‘yung pagsusuot ng face mask sa mga household, especially doon sa mga miyembro na may sintomas… at huwag silang lalapit doon sa mga sanggol o sa mga bata na hindi pa nababakunahan ng para sa sakit,” wika niya.

Idineklara ni Quezon City Mayor Joy Belmonte nitong Huwebes ang pertussis outbreak sa lungsod matapos maiulat ang 23 kaso hanggang nitong March 20.

Ang pertussis ay isang nakahahawang sakit sa baga dulot ng bacteria na tinatawag na Bordetella pertussis, ayon sa Quezon City government, batay sa Center for Disease Control and Prevention.

Nakapagtala na ng apat na sanggol na nasawi dahil sa impeksyon.

“Ang reminders namin, talagang hindi dapat ilalapit muna sa mga crowded areas ang inyong mga sanggol, nilalabas sa household para hindi sila ma-expose doon sa mga taong probably may dala ng sakit,” giit ni Cruz.

Paglalahad pa ng opisyal, maaari pa ring mahawa ng pertussis subalit makararanas lamang ng minor symptoms kung bakunado na ang indibidwal. RNT/SA

Previous articleP1.3M shabu nasamsam
Next articleALAMIN: Mall hours sa NCR sa Semana Santa