MANILA, Philippines – INIUTOS ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na gawing “mandatory” o sapilitan ang pagsusuot ng face mask ng mga empleyado at mga bibisita sa lahat ng tanggapan sa loob ng Manila City Hall simula ngayong Lunes, Mayo 15.
Ang nasabing kautusan ay ipinahayag ni Lacuna sa kanyang pagsasalita sa ginanap na regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, Lunes ng umaga, sa Kartilya ng Katipunan bunsod na rin ng patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Lungsod ng Maynila.
Nilinaw naman ng alkalde na ipatutupad lamang ang nasabing kautusan sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Sa kabila naman nito, inanunsiyo naman ng alkalde ang magandang balita sa mga kawani matapos niyang atasan ang mga ito na ayusin na ang kanilang mga payroll kung saan maaari na umanong makuha ang kanilang mid-year bonus sa linggong kasalukuyan.
Advertisement