MANILA, Philippines – Kaysa mag-Tiktok, mas mainam pa para kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang pagbabalik sa mandatory
Reserve Officers’ Training Corps o ROTC sa mga paaralan.
“Iyong ating kabataan, instead na magsige reklamo, magsigeng TikTok-TikTok lang diyan, dapat ihanda natin ang ating kabataan para gampanan ‘yung kanilang constitutional duty na depensahan ang ating bayan sa panahon ng pangangailangan,” pagbabahagi ni Dela Rosa sa panayam ng TeleRadyo.
Bukas, Pebrero 6 ay inaasahan na isasagawa ang pagdinig ng Senado kaugnay sa mandatory ROTC na isinusulong ng senador.
Paliwanag ni Dela Rosa, dapat ibalik ang ROTC dahil magbibigay ito ng karagdagang pwersa sa bansa sa oras na magkaroon ng tangkang panghihimasok ng ibang bansa o kapag may sakuna at iba pang krisis.
Maliban dito ay matututunan din umano sa ROTC nag moral values,
personal discipline, love of country, patriotism, nationalism, respect for human rights, adherence to the constitution, at iba pa.
“Alam natin may looming threat tayo dito sa South China Sea, ‘yung pag-occupy ng China diyan sa ating mga teritoryo diyan sa South China Sea. Kailangan ready tayo, dahan-dahan na silang umaabante dito. ‘Yung harapan ng Palawan natin, nakikita na ‘yung mga presensiya nila diyan,” pagbabahagi ni Dela Rosa.
“National defense is the strength of the country. If you have a weak national defense then you have a weak country. You cannot be respected. Puwede kang bully-bully-hin lang ng mga kapitbahay mo because mahina ka, mahina ka na bansa. So kailangan talaga natin, strengthen ‘yung ating national defense capability through the imposition of mandatory [ROTC],” dagdag pa ng senador.
Kung babalikan, inalis ang mandatory ROTC sa mga paaralan dahil sa isyu ng korapsyon at iba pang pang-aabuso.
Idinepensa naman ito ni Dela Rosa at sinabing may mga inilatag nang proteksyon para sa bagong bersyon ng programa.
“Naglagay tayo ng grievance board. Ito ay bubuuhin ng taga-DND, taga-TESDA, taga-CHED at school mismo para ito ‘yung mag-address sa mga problema sa corruption, abuse na nagaganap sa ROTC. Kahit walang complainant, basta meron silang na-oobserba o may nakarating sa kanilang balita na merong ganitong nangyayari, motu propio they can investigate sa allegation,” giit niya.
“Maybe 50 percent is military, 25 percent is disaster response, 25 percentis for personal development. ‘Yung lahat-lahat ng moral values mga personal discipline, dito nila matutuhan. Kaya all-encompassing itong mandatory ROTC program,” pagpapatuloy nito. RNT/JGC