Home NATIONWIDE Mandatoryong nutritional labeling sa prepacked foods isinusulong ng solon

Mandatoryong nutritional labeling sa prepacked foods isinusulong ng solon

MANILA, Philippines- Isinusulong ni House Deputy Speaker at Las Piñas Rep. Camille Villar ang mandatory nutrition labeling sa lahat ng pre-packed food products sa layon na rin na matugunan ang undernutrition sa mga bata.

Ayon kay Villar, dapat alam ng mga mamimili ang nutritional value ng grocery items na kanilang binibili para na rin sa kaligtasan gayundin para malaman kung masustansya o hindi ang kinakain.

Sa House Bill No. 9344 o Philippine Nutrition Labeling Act of 2023 na iniakda ni Villar, sinabi nito na matagal nang problema ng bansa ang undernutrition at ang pagsasabatas ng nasabing panukala ay makakatulong.

“Proper food labeling is all the more important to be immediately implemented in order to address undernutrition as it is, and has always been, a serious problem in the Philippines,” paliwanag ni Villar.

Sa datos ng World Bank noong 2021, lumilitaw na ang Pilipinas ay ika-lima sa mga bansa sa East Asia at Pacific region na may pinakamataas na antas ng undernutrition.

Ipinaliwanag ni Villar na may direktiba na sa paglalagay ng food labeling ngunit marami ang hindi nakasusunod dito kaya naman sa oras na maisabatas ang panukala ay magiging mandatoryo na ito sa food manufacturers.

“Accurate food labeling also promotes transparency as it provides consumers with vital nutritional information of food that they buy. This practice would also ensure their safety and health when it comes to food consumption, as well as possible ingredients which may be potentially toxic to the consumer and safe handling practices for food storage,” paliwanag ni Villar.

Sa oras na maisabatas ang HB 9344, lahat ng pre-packed food products ay kailangang may impormasyon na calories, nutrients na maaring makuha gayundin ang total fat, saturated fat, cholesterol, sodium, total carbohydrates, complex carbohydrates, sugars, dietary fiber at total protein.

Ang hindi susunod ay hindi papayagan na maibenta ang kanilang mga produkto sa merkado. Gail Mendoza

Previous articleTraffickers, illegal recruiters tutugisin ng BI
Next articleP600K shabu nasamsam sa babae