Home OPINION MANGGAGAWA SA INDUSTRIYA NG ASUKAL, MAY MATERNITY AT DEATH BENEFIT CLAIM SA...

MANGGAGAWA SA INDUSTRIYA NG ASUKAL, MAY MATERNITY AT DEATH BENEFIT CLAIM SA DOLE

Inaprubahan ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang paglalabas ng karagdagang pondo mula sa Social Amelioration Program (SAP) para sa maternity at death benefit claim ng mga manggagawa sa industriya ng asukal.
Nilagdaan ni Labor Secretary Bienvenido E. Laguesma noong ika-4 ng Oktubre, ang DOLE Administrative Order No. 318 na nagbibigay awtorisasyon sa Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) na iproseso ang paglalabas ng karagdagang P6.8 milyong reserbang pondo para sa maternity benefit prog­ram at P11.76 milyon para sa death benefit program ng mga manggagawa sa asukal.
Ilalaan ang karagdagang reserbang pondo sa DOLE Regio­nal Offices 2, 3, 4A, 5, 7, 8, 10, 11, 12, at sa DOLE Provincial Office sa Iloilo at Negros Occidental. Layunin ng direktiba na tiyakin na may nakalaang pondo para sa implementasyon ng mga nasabing benepisyo alinsunod sa DOLE Department Order No. 236 na inilabas noong 2022, kung saan itinaas ang maternity benefit ng mga manggagawa sa asukal mula P5,000 na naging P8,000 at death benefit mula P10,000 na naging P14,000.
Maglalabas din ng karagdagang P400,000 reserbang pondo para sa 50 maternity benefit claim na ibibigay sa DOLE Regio­nal Offices sa Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Central Visayas, Eastern Visayas, Davao, at SOCCSKSARGEN, at sa DOLE Provincial Office sa Iloilo.
Samantala, ang karagdagang reserbang pondo na nagkaka­halaga ng P640,000 para sa 80 maternity benefit claims ay ibi­bigay sa DOLE Cagayan Valley; P2.24 milyon para sa 280 maternity benefit claims sa DOLE Negros Occidental; at P720,000 para sa 90 maternity benefit claims sa DOLE Northern Mindanao. Binigyan din ng awtorisasyon ang BWSC na maglabas ng P700,000 para sa 50 death benefit claims ng bawat DOLE Regional/Provincial Office sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Iloilo, Central Visayas, Eastern Visayas, Northern Min­danao, Davao, at SOCCSKSARGEN.
Magbibigay rin ng P1.26 milyong halaga ng reserbang pondo para sa 90 death benefit claims sa DOLE Calabarzon habang P4.2 milyon naman ang ibibigay sa DOLE Negros Occidental para 300 death benefit claims.
Naglaan ang Administrative Order ng karagdagang pondo sa DOLE Regional Office No. 2 at DOLE Negros Occidental Provincial Office para sa 50 claim sa bawat program component para sa manggagawa ng sugarcane-based bioethanol sa ilalim ng Social Amelioration and Welfare Program for Workers in the Biofuel Industry.
Nakasaad sa direktiba na dapat magbigay ng pondo ang BWSC batay sa aktuwal na bilang ng monthly benefit claim na naproseso sa kani-kanilang DOLE Regional/Provincial Offices, na sasailalim sa government accounting and auditing rules and regulations.
Para sa pagsusulong ng inklusibo at pantay na proteksyong panlipunan sa lahat ng manggagawa, patuloy na pinalalakas ng DOLE ang mga inisyatibo nito para sa mga manggagawa, kabi­lang ang mga nasa sugar mill, sugarcane field, gayundin ang mga migratory sugarcane worker o ang mga sacadas.
Ang pondo ay mula sa lien o butaw na ipinapataw sa kabuuang produksyon ng asukal, kung saan nilalayon ng SAP na dagdagan ang kita ng mga manggagawa sa asukal at pondohan ang kanilang mga programang pangkabuhayan.
Inilalaan ang 20 porsiyentong nakolektang butaw para sa socio-economic project component ng SAP na ibinabahagi ayon sa sumusunod: maternity benefit fund (3 porsiyento), death benefit fund (5 porsiyento), socio-economic project fund (9 porsiyento), habang ang natirang 3 porsiyento ay nakalaan para sa gastusing administratibo at operasyon ng SAP.

Inaatasan ng Republic Act No. 6982, o An Act Strengthe­ning the Social Amelioration Program in the Sugar Industry, ang DOLE Secretary, sa pagsangguni sa Sugar Tripartite Council, na magpatupad ng mga tuntunin at regulasyon upang maisakatuparan ang mga probisyon ng batas, kabilang ang mahusay na koleksyon, pagsubaybay, at pantay na pamamahagi ng lien at mga benepisyong itinatakda ng batas.

Previous articleHalos P1M shabu narekober sa Quezon
Next articleNAG-A-ALA HOUDINI BA SI DENNIS UY?