Home NATIONWIDE MANIBELA ‘di nawawalan ng pag-asa: Deadline ng PUV consolidation i-extend sana

MANIBELA ‘di nawawalan ng pag-asa: Deadline ng PUV consolidation i-extend sana

MANILA, Philippines- Umaasa pa rin angtTransport group MANIBELA na magbabago ang posisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ukol sa deadline para sa konsolidasyon ng public utility vehicles (PUV) operators na aksado sa December 31, 2023. 

Sinabi ni MANIBELA chairman Mar Valbuena nitong Martes na mayorya ng mga miyembro ay hindi pa nakakasama sa konsolidasyon sa ilalim ng PUV modernization program (PUVMP) at 20% pa lamang ang nakatatalima ilang araw bago ang deadline. 

“Kahit na alam natin na ang Pangulo na ang nagsalita, umaasa tayo na bago matapos ang taon ay magkaron siya ng puso at magkaron ng awa dito sa mga mawawalan ng trabaho na mga drivers at operators,” wika ni Valbuena. 

Nauna nang idineklara ni Marcosn na walang extension para sa deadline ng PUV consolidation, sa pagsasabing 70% ng PUV operators “have already committed to and consolidated” under the PUVMP.

Nitong nakaraang linggo, naghain ng petisyon  ang ilang transport groups sa Supreme Court upang pigilan ang implementasyon ng PUVMP. 

Umaasa rin umano ang transport group na maglalabas ang SC ng temporary restraining order laban sa implementasyon ng PUVMP bago matapos ang taon.

“Kung hindi man talaga tayo mapagbibigyan [ng Pangulo], umaasa tayo sa Supreme Court. Kung hindi pa rin tayo mapakinggan pati ng Supreme Court ay ayun ay paguusapan pa namin,” aniya.

“Ang nakikita ko rito, bukod sa transport crisis, ay sunod-sunod na protesta ito.”

Kasalukuyang nagsasagawa ng kilos-protesta ang MANIBELA at PISTON mula December 18 hanggang 29 bilang pagtutol sa PUV operator consolidation. 

Nauna na nilang inihayag na handa silang palawigin ang strike kahit hindi dinggin ang kanilang apela.

Samantala, sinabi ng Transmission-Piston Southern Mindanao na ikakasa rin nila ang city-wide transport strike sa Miyerkules kontra sa PUV consolidation at sa Davao Bus Project. 

Halos 80% ng PUV drivers sa rehiyon ang inaasahang makikilahok sa transport strike, na ikinababahala ng ilang mananakay.

Anang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), nakikipag-ugnayan na sila sa City Transport and Traffic Management Office hinggil dito. Nagpapatulong din sila sa bus operators upang asistihan ang mga pasahero na maaapektuhan ng strike. RNT/SA

Previous articlePag-atake sa Gaza refugee camp kinondena ng WHO
Next articleUbe sa Noche Buena pinagtalunan, nauwi sa saksakan!