Home NATIONWIDE MANIBELA: Jade Castro, kasamahan palayain

MANIBELA: Jade Castro, kasamahan palayain

MANILA, Philippines- Ipinanawagan ng transport group MANIBELA nitong Martes na palayain na ang film director na si Jade Castro at tatlo pa matapos silang maaresto sa umano’y panununog sa isang modern jeepney.

Ayon sa pahayag sa social media nitong Martes, sinabi ng MANIBELA na kinsuhan si Castro at kanyang mga kasamahan ng “made-up” case at dinakip nang walang warrant sa lalawigan ng Quezon.

“Mariin na kinukundena ng mga opisyales, kasapian, at samahan sa ilalim ng MANIBELA ang iligal na pag-aresto dahil makikita ang kapabayaan ng kapulisan sa pag-uusisa. Patuloy kaming nananawagan na kailangang palayain sa pinaka madaling panahon sina Direk Jade Castro at kumpanya, maging sa lahat ng political prisoners na sinampahan ng gawa-gawang kaso at hinuli ng walang due process at tanging pagpapatahimik lamang ang intensyon,” saad sa pahayag.

Binigyang-diin ng MANIBELA na base sa mga pagdinig, walang ebidensya at tanging salaysay lamang ang nag-uugnay sa apat na indibidwal sa krimen.

“Si Direk Jae Castro at kumpanya ay naging aktibo sa pagbibigay ng kanilang pahayag hinggil sa pagtutol sa PUV Modernization Program (PUVMP). Isa ito sa mga lumutang na dahilan kung kaya sila ay hinuli kahit wala sa tamang proseso,” dagdag nito.

Anang MANIBELA, ang nangyari kay Castro ay pamamaraan ng pamahalaan upang patahimikin ang mga kritiko nito.

“Krimen ba ang mag post na dapat tutulan ang PUV Modernization Program bagkus at dapat pakinggan ang hinaing ng malawak na hanay ng tsuper at opereytor?! Kasalanan ba ang tumulong? Bakit palaging mabuting tao ang kinukulong? Makikita rito kung sino talaga ang makatao,” pahayag ng grupo.

Noong Enero 31, inaresto si Castro at tatlo niyang kasamahan nang walang warrant matapos akusahang nagpaliyab sa dalawang modern jeepney units sa Catanauan, Quezon.

Inamin ng police officials admitted nitong Lunes na tinukoy lamang ang apat ng mga saksi nang walang konkretong ebidensya, saka sila nagsagawa ng hot pursuit operations na nagresulta sa pagkakaaresto ng mga ito.

Dinakip din sila ng mga awtoridad kahit na makikita sa CCTV footage na nasa ibang bayan ang mga umano’y suspek nang maganap ang insidente. Anang mga pulis, maaaring “altered” ang footage.

Sinisilip ng Senado na imbestigahan ang kaso, kung saan iginiit na ang “arrest now, explain later” na sitwasyon ay dapat ikabahala.

“Hindi lang nakaka-alarma ang pahayag na ‘yan mula sa mga tagapagpatupad ng batas, nakakabawas rin ito ng tiwala ng publiko,” pahayag ni Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros.

“Tututukan ng Senado ang isyu na ito upang maisulong ang katotohanan, at masigurong naipapatupad nang tama ang batas para sa lahat,” dagdag niya.

Nauna nang ipinanawagan ng Directors Guild of the Philippines at ng UP Film Institute ang agarang pagpapalaya sa apat na indibidwal, habang iniatas naman ni Justice Secretary Jesus Remulla na “justice is dispensed appropriately and expeditiously.” RNT/SA

Previous articleKathryn, magtatagal sa Australia!
Next articleSY 2023-2024 matatapos sa May 31 – DepEd