Home METRO Manila LGU ‘di humihingi sa Sri Lanka ng kapalit ni Mali –...

Manila LGU ‘di humihingi sa Sri Lanka ng kapalit ni Mali – mayor

MANILA, Philippines- Muling nilinaw ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan na hindi humihiling ang lokal na pamahalaang lungsod ng elepante, kapalit ng pumanaw na si Mali, sa pamahalaan ng Sri Lanka.

Ayon kay Mayor Honey, nagpadala lang sila ng liham sa gobyerno ng Sri Lanka na nagsasabi sa kanila na pumanaw na ang elepanteng si Mali ngunit wala umano silang binanggit na humihiling sila ng isa pang elepante na kapalit nito.

Nabatid sa alkalde na hanggang sa ngayon ay wala pa silang natatanggap na tugon sa ginawa nilang liham sa nasabing bansa na matatagpuan sa Timog Asya.

Matatandaan na pumanaw ang nag-iisang elepante ng Pilipinas na si Mali sa edad na humigit-kumulang 43 taon noong Nobyembre 28, 2023, matapos dumanas ng ilang sakit.

Si Mali ay unang dinala sa Manila Zoo noong siya ay 3 taong gulang pa lamang. Ipinadala ng gobyerno ng Sri Lanka si Mali sa Pilipinas noong 1970’s matapos siyang matagpuang ulila sa kagubatan.

Ayon kay Lacuna, noong panahon ni dating Manila Mayor Isko Moreno, sinabi ng isang Sri Lankan ambassador na kung sakaling may mangyari kay Mali dahil sa kanyang edad, handa silang magbigay o mag-donate ng isa pang elepante sa Lungsod ng Maynila.

Iginiit naman ni Lacuna na kinikilala nito ang iba’t ibang opinyon tungkol sa pagkuha ng isa pang elepante para sa zoo ngunit kung ipagkakatiwala ng gobyerno ng Sri Lanka na mabigyan pa ng isa pang elepante ang lungsod ng Maynila ay tatanggapin umano ito ng alkalde. JAY Reyes

Previous articleTiger Woods binitiwan ng Nike
Next articleSunod na Traslacion inihirit gawing nat’l feast