Home METRO Manila LGU handa na para sa kapistahan ng Sto. Niño sa Linggo

Manila LGU handa na para sa kapistahan ng Sto. Niño sa Linggo

MANILA, Philippines- Handa na ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan para sa taunang selebrasyon ng Pista ng Mahal na Poong Sto. Niño ngayong Linggo (Enero 21).

Una nang nakipagpulong si Mayor Lacuna sa bagong Manila Police District (MPD) Director Gen. Arnold Thomas Ibay para sa pag-deploy ng mga unipormadong opisyal sa mga lugar na paggaganapan ng Kapistahan upang mapanatili ang kaayusan, seguridad, at kapayapaan sa nabanggit na pagdiriwang partikular na sa Tondo. Bukod sa Tondo ay nagdiriwang din ng kapistahan sa Pandacan sa parehong araw.

Maliban sa mga kapulisan, inalerto rin ng pamahalaang lungsod ang Manila Traffic and Parking Bureau, Disaster Risk Reduction Management Office, City Engineer’s Office, Department of Public Services gayundin ang mga pampublikong ospital na nasa pamamahala ng lokal na pamahalaan.

Pinaalalahanan naman ni MTPB Director Dennis Viaje ang mga motorista hinggil sa pagsasara ng ilang kalsada simula alas-12:01 AM ng Sabado at dumaan na lamang ang mga ito sa mgha alternatibong ruta upang hindi maipit sa mabigat na daloy ng trapiko.

Batay sa abiso, nakatakdang isara ang mga sumusunod: N. Zamora Street mula Moriones hanggang Chacon Streets; Sta. Maria St., mula Moriones St. hanggang Morga St.; J. Nolasco St. mula Morga St. hanggang N. Zamora St. at Morga St. mula J. Nolasco St. hanggang Juan Luna St.; Ortega St. mula Asuncion St. hanggang Soliman St.; Lakandula St. mula Asuncion St. hanggang Ilaya St.; Ilaya St. mula Lakandula St. hanggang CM. Recto Avenue; Chacon St. mula N. Zamora St. hanggang Juan Luna St.; at Soliman St. mula Morga St. hanggang N. Zamora/Ortega St.

Ang mga sasakyang papunta sa Tondo Church mula sa J. Nolasco St. ay maaaring kumanan sa Morga St., diretso sa Tuazon St. at Wagas St., o kumaliwa sa Asuncion St. papuntang C.M. Recto hanggang sa kanilang destinasyon.

Ang lahat ng sasakyan mula sa Pritil ay maaaring gumamit ng N. Zamora St. at kumaliwa sa Moriones St. papunta sa Juan Luna St. hanggang sa destinasyon.

Samantala, ang mga manggagaling sa C.M. Recto/Asuncion St. ay maaaring kumaliwa sa Lakandula St. patungo sa destinasyon.JAY Reyes

Previous articleVoter registration nakaambang suspendihin sa beripikasyon ng mga pirma sa Cha-cha
Next articleKapayapaan, katatagan sa SCS ‘common interests’ ng Pinas, Tsina – envoy