MANILA, Philippines – HANDA ang lokal na pamahalaang Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan na pagkalooban ng tulong ang Manila Central Post Office na tinupok ng apoy sa nangyaring sunog Lunes ng umaga, Mayo 22.
Nabatid na nagkaroon ng maikling pag-uusap sina Mayor Lacuna-Pangan at si Postmaster General Luis Carlos kung saan tiniyak ng alkalde na handa silang magbigay ng tulong para sa makasaysayang gusali na isa sa mahahalagang palatandaan ng mga nagtutungo sa kabisera ng bansa.
“The City of Manila is willing to extend assistance, if needed, to the Manila Central Post Office in light of today’s incident,” saad ng tagapagsalita ng alkalde na si Atty. Princess Abante.
“This was declared by Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan when she visited the Manila Central Post Office this morning,” dagdag pa ni Atty. Abante.
Sa pagsasalita naman ni Mayor Honey sa regular na pagpupugay sa watawat ng Pilipinas, ibinahagi ng alkalde sa mga opisyal at kawani ang ginawang pagbisita sa lugar habang nasa kasagsagan ng sunog.
“Para po sa kaalaman nyo, ang Manila Central Post Office ay dinisenyo nina Juan Arellano at Tomas Mapua at ito po ay itinayo noon pang 1926. Pero ito po ay nasira na noong 1946 sa naganap na “Battle of Manila” at kung makikita nyo at makakapunta po kayo doon, na-retain pa rin niya yung dati niyang ganda,” ani Mayor Lacuna-Pangan.
“Kaya po kapag natapos na po itong sakunang nangyari, sana, sa mga susunod na taon ay maiayos ulit natin ang Manila Central Post Office at maibalik ang kanyang ganda at ningning,” dagdag pa ng alkalde.
Napag-alaman nab ago ang isinagawang pagpupugay sa watawat ay nagtungo ang alkalde, kasama si Vice Mayor Yul Servo Nieto, sa Plaza Lawton Lunes ng umaga upang saksihan ang nagaganap na sunog Manila Post Office na noon ay nasa general alarm.
Kaugnay nito, nilinaw naman ni Atty. Abante na hindi kaagad nila maisasa-publiko ang detalye ng gagawing paraan ng pagtulong ng lokal na pamahalaang lungsod dahil nasa ilalim ng pamamahala ng Pambansang Pamahalaan ang Manila Central Post Office. JAY Reyes