Home METRO Manila LGU naglabas ng kautusan sa paggamit ng paputok, pyrotechnic

Manila LGU naglabas ng kautusan sa paggamit ng paputok, pyrotechnic

MANILA, Philippines – NAGLABAS ng kautusan si Manila Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan kaugnay sa paggamit ng mga paputok at iba pang uri ng pyrotechnic upang maging ligtas ang bawat Manilenyo sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Batay sa anim na pahinang kautusan sa pamamagitan ng Executive order No. 36 series of 2023, o ang “Rules and regulations on the manufacture, sale, distribution, or use of firecrackers and pyrotechnic devices, including the conduct of community fireworks display within the city of Manila” ay nagsasaad na ang lahat ng uri ng mga paputok at pyrotechnics ay dapat na ilaan lamang sa wastong lugar sa bawat komunidad na may kaukulang permiso mula sa Bureau of Permits.

Nabatid na ang mga papayagan lamang sa mga komunidad na uri ng mga paputok ay tulad ng baby rocket, bawang, small trianggulo, pulling of strings, paper caps, El diablo, Juda’s belt, kwitis, na lahat ay may limitado lamang na pulbura at pyrotechnic devices kabilang ang sparklers, luces, jumbo, regular and special fountain, roman candle, trompillo, airwolf, whistle device, butterfly at iba pang uri ng “pailaw”.

Mahigpit naman na ipinagbabawal ang paggamit, paggawa, pagbebenta at distribusyon ng iba pang uri ng paputok at pyrotechnic tulad ng super lolo, the atomic, big trianggulo, mother rocket, lolo thunder, five star, Og, Pla-pla, pillbox, watusi, piccolo, giant whistle bomb, big Judah’s belt, large bawang, goodbye Philippines, goodbye earth, Bin Laden, Coke in can at iba pang magdudulot ng panganib sa buhay at mga ari-arian.

Sa mga mabibigyan naman ng permiso ng gagawin nilang fireworks display, sila ang may responsibilidad upang maging ligtas ang lahat sa pamamagitan ng pagtalima sa mga panuntunan tulad ng pagkakaroon ng naka-stand by na firetruck at lima kataong magbabantay sa mga tamang lugar mula sa pagdarausan ng fireworks display na silang aakto upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakuna.

Kabilang pa sa mga alituntunin kung ano ang dapat at hindi nararapat sa pagpapaputok o fireworks display ay nakasaad pa rin sa kautusan tulad ng hindi na nararapat pang damputin ang mga paputok na sinindihan subalit hindi pumutok.

Kailangang gumamit ng walis na may mahabang stick at dustpan para kuhanin ang mga hindi pumutok na firecrackers at ilagay sa wastong lalagyan tulad ng drum o lalagyan ng basura.

Nabatid na sinoman ang lalabag sa nasabing kautusan ay maaaring pagmultahin ng hanggang P20,000 ngunit hindi lalagpas ng P30,000 o pagkakakulong mula anim na buwan ngunit hindi lalagpas isang taon.

“Any person who manufactures, sells, distributes or uses firecrackers and other pyrotechnic devices in violation of the provisions of Republic Act 7183 shall be made to pay a fine at least P20,000 but not more than P30,000 or imprisoned for at least six months but not more than one year or both at the discretion of the court,” saad sa kautusan.

Nilagdaan ni Mayor Lacuna-Pangan ang naturang kautusan nito lamang Disyembre 28, 2023. JAY Reyes

Previous articleTugon ng PBBM admin sa gusot sa WPS, aprub sa karamihan ng mga Pinoy – survey
Next articlePAGSALUBONG SA PANIBAGONG TAON, ‘BAGONG BUHAY, MAKULAY AT MASAYA’