Home NATIONWIDE ‘Manila Metro’ FB page na iniuugnay sa DOTr, LRTA peke

‘Manila Metro’ FB page na iniuugnay sa DOTr, LRTA peke

MANILA, Philippines- Naglabas ng babala sa publiko ang Department of Transportation (DOTr), at Light Rail Transit Authority (LRTA), laban sa pekeng social media account na nagpapanggap na kaakibat nito upang makakuha ng mga personal na detalye ng credit card mula sa hindi kilalang mga biktima.

Itinanggi ng DOTr ang anumang pagkakasangkot sa digital operation ng Facebook page na “Manila Metro” na umano’y nagbebenta ng mga beep card na kayang tumanggap ng isang taong libreng sakay sa subway ng Metro Manila kapalit ng mga personal na detalye ng credit card mula sa mga interesadong mamimili.

“The DOTr and AFPI [AF Payments Inc., owner of beep cards] have NOT AUTHORIZED any sales of any ‘12 Month Free Subway Rides Card,’” sabi ng ahensya.

Binigyang-diin pa ni Transport Assistant Secretary for Railways at MRT-3 Officer-in-Charge Jorjette B. Aquino ang kahalagahan ng pagsangguni sa DOTr, DOTr-MRT3, at LRTA official channels para sa tumpak at mapagkakatiwalaang impormasyon.

“The DOTr, DOTr-MRT3, and the LRTA never request credit card details in any of their interactions with the public. We urge commuters to verify all online information through the official websites and social media channels of DOTr, DOTr-MRT-3, and LRTA, as there may be malicious parties with fraudulent intentions attempting to deceive the public,” sabi ni Aquino

Inilabas ang babala bilang bahagi ng patuloy na pagtatangka ng DOTr na labanan ang maling impormasyon at mabigyan ang publiko ng maaasahan at tamang impormasyon sa transportasyon.

Binigyang-diin din ng DOTr ang kahalagahan ng pagberipika ng pagiging lehitimo ng online sources lalo na ang mga nauugnay sa pampublikong transportasyon. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleP15M gagamitin para sa Manila Central Post Office rehab – DOT
Next article50 Chinese ships umaaligid sa Ayungin Shoal – analyst