Home NATIONWIDE Manok, poultry products mula Belgium, France ipinagbawal makapasok sa Pinas

Manok, poultry products mula Belgium, France ipinagbawal makapasok sa Pinas

MANILA, Philippines- Ipinagbawal ng gobyerno ng Pilipinas sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng manok at iba pang poultry products mula Belgium at France sa gitna ng outbreak ng bird flu sa mga nasabing bansa.

Sinabi ng DA na ang poultry ban ay ipinalabas kasunod ng pag-uulat ng Belgium at France ng kani-kanilang outbreaks sa Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa domestic birds sa World Organization for Animal Health (WOAH).

Tinuran pa ng departmento na ang Belgium at France ay halos magkasabay na nag-ulat ng bird flu outbreak sa domestic birds sa WOAH.

Sa katunayan, isinumite ng Belgium ang report nito noong Disyembre 1, 2023, habang ang France naman ay nagsumite noong Nobyembre 30, 2023.

Winika ng Agriculture Department na ang pagbabawal sa poultry at poultry products mula sa dalawang nabanggit na bansa ay kailangan para mapigilan ang posibleng pagpasok ng HPAI-H5N1 sa Pilipinas.

“We’re doing this to protect the health of our local poultry population as well as poultry workers and consumers since H5N1 is a virus that can be transmitted to humans by infected animals,” ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel.

Sakop ng ‘ban’ ang pagkuha sa kapwa domesticated at wild birds at maging ng poultry products kabilang na ang “poultry meat, day-old chicks, hatching eggs, at poultry semen” mula sa Belgium at France simula pa nito lamang Enero 8, 2024.

Nilinaw naman ng DA na “meat imports already in transit, loaded or accepted before the ban will still be allowed to enter the country if the poultry were slaughtered or the products were produced on or before November 12, 2023 in the case of France, and November 16, 2023 for Belgium.”

“All imports after the above-mentioned dates will not be considered upon arrival in the country, except for heat-treated products,” ayon pa rin sa DA.

Makikita naman sa datos ng DA na noong 2022, ang kabuuang importasyon ng Pilipinas sa poultry meat ay tumaas ng 1.57% kumpara noong 2021, na may 411,070 metric tons na nagkakahalaga ng $468,455,990.

Ang Belgium naman ay mayroong 2.60% ng overall arrivals, habang wala namang importasyon na naitala mula sa France.

Noong 2023, umabot sa 426,620 metric tons na nagkakahalaga ng $418,130,353 ang poultry meat ang inangkat ng Pilipinas, tumaas ito ng 3.78% mula 2023.

Ang France ay mayroong 0.01% habang ang Belgium naman ay mayroong 0.59% para sa kanilang kabuuang pag-angkat.

Sinabi ng DA na magpapatuloy ang ‘import bans’ maliban na lamamg kung babawiin ng departamento. Kris Jose

Previous articleBaby Go, bet gawan ng pelikula ang KathNiel!
Next articleKelot, amain tiklo sa P1.2M shabu