HINDI sinuwerte ang kapatid sa hanapbuhay na si Erwin Tulfo, dating kalihim ng Department of Social Welfare and Development, na tuloy-tuloy na makapagserbisyo sa ating mga kababayan bagaman sobrang sipag nito sa trabaho.
Natuwa ang marami sa mga mamamahayag nang malagay bilang officer-in-charge si Undersecretary Edu Punay kapalit ni Tulfo. Subalit hindi nagtagal, balik puwesto si Punay.
Ito ay dahil iniupo naman ni Pangulong Bongbong Marcos bilang kalihim ng DSWD si Valenzuela Representative Rex Gatchalian.
Marami ang suportado ang aksyon ng Pangulo lalo na ang mga nakatrabaho ng bagong kalihim bilang local chief executive. Sa madaling salita, suportado rin si Gatchalian ng mga alkalde na nakasabay niya mula 2019 hanggang 2022 na kasagsagan naman ng pananalasa ng pandemya sa bansa.
Nagustuhan naman ng marami lalo na ng mga taga-Valenzuela ang kinahinatnan ng karera ng kanilang Congressman na ngayon nga ay isa ng kalihim.
Nasaksihan kasi nila ang outstanding leadership skills ng bagong DSWD secretary, lalo na pagdating sa kanyang mga progressive views, decisiveness, at hands-on style sa pamumuno.
Kaya naman noong nasabing panahon nang panunungkulan ni Gatchalian bilang alkalde at kabilang ang Valenzuela sa kinikilalang lungsod na mayroong pinakamagandang COVID-19 response program.
Noong panahong yaon, tumanggap ng pagkilala si Gatchalian katulad ng Galing Pook awards dahil sa commitment at dedikasyon nito sa paninilbihan sa kanyang mga nasasakupan.
Marami ang kumpiyansa na walang kahirap-hirap at hindi man lang pagpapawisan si Gatchalian sa kanyang magiging trabaho sapagkat sanay na sanay ito na magserbisyo at bigyan ng maganda at maayos na programa ang mga mamamayan.
Mapalad ang Pinas na magkaroon ng katulad ni Gatchalian. Secretary Rex Gatchalian, pakurot nga sa pisngi!!!