Home METRO ‘Marahas’ na pagtaboy sa nagwelgang PUP students ikinabahala

‘Marahas’ na pagtaboy sa nagwelgang PUP students ikinabahala

MANILA, Philippines- Inihayag ng Quezon City government and the Commission on Human Rights (CHR) ang pagkaalarma sa “marahas” na pagpapaalis sa university students na nagsagawa ng kilos-protesta sa harap ng Kamara.

Nitong Lunes, nagtipon ang mga student activists mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) sa Batasang Pambansa upang tutulan ang panukalang ikinatatakot nilang magreresulta sa “commercialization” ng state university.

Sa video na ibinahagi ng The Catalyst — official student publication ng PUP —pwersahang itinulak ng mga pulis na armado ng riot shields at truncheons ang mga mag-aaral.

Nasa pitong indibidwal ang nagtamo ng sugat kasunod ng mainit na komprontasyon, ayon sa Makabayan bloc.

Kinondena ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang aksyon ng kapulisan, at inihayag na sinabihan niya si Quezon City police chief Redrico Maranan na hindi niya ito kukunsintihin.

Ani Belmonte, ipinag-utos ni Maranan ang imbestigasyon sa posibleng paglabag sa police procedures.

Nakipagpulong din si Maranan sa station commander ng Batasan police upang paalalahanan ang kanilang mga tauhan ng wastong aksyon tuwing may protesta, dagdag ng alkalde.

Samantala, hinikayat naman ng CHR ang mga pulis na pairalin ang maximum tolerance at iwasan ang karahasan sa pagpigil sa mga nagsasagawa ng kilos-protesta.

“We remind all agents of law enforcement that civilians have the constitutional right to peaceably assemble in public,” anang rights commission.

Kaugnay ito ng pagtalakay ng House Committee on Higher and Technical Education sa pamumuno ni Rep. Mark Go nitong Lunes ng mga panukalang naglalayong amyendahan ang charter ng PUP at italaga ang paaralan bilang isang national university.

Inaprubahan din ng House panel ang paglikha ng technical working group na bubuo ng substitute bill sa anim na panukalang naglalayong gawing National Polytechnic University ang PUP.

Subalit, ayon sa The Catalystm, maaaring makaapekto ang panukala sa access ng mga mag-aaral sa abot-kayang edukasyon dahil ikinababahala nilang bibigyang-daan ng plano ang “commercialization and privatization” ng state university.

Ayon sa Makabayan bloc, nais ng mga estudyante na kalusin ng mga mambabatas ang mga probisyon sa kanilang panukala na papayagan ang PUP “to enter into joint ventures with private entities for profit which will spur privatization, fee impositions and other problems affecting their right to education.” RNT/SA

Previous articleLalawigang sapul ng El Niño 41 na lang – PAGASA
Next articlePH gov’t, private sector sanib-pwersa sa EDSA Busway concourse