Home NATIONWIDE Marcoleta sinopla sa Senate probe sa nabigong people’s initiative

Marcoleta sinopla sa Senate probe sa nabigong people’s initiative

MANILA, Philippines- Mistulang sinopla ng ilang senador si Rep. Rodante Marcoleta sa ginanap na pagdinig ng Senado hinggil sa anomalyang bumabalot sa paglulunsad ng people’s intiative na hinalang pinangungunahan ni House Speaker Martin Romualdez.

Sa pagsisimula ng imbestigasyon ng Senate Committee on Electoral Reforms and People’s Participation na pinamumunuan ni Sen. Imee Marcos, dumalo si Marcoleta na bihirang mangyari sa kasaysayan ng Kongreso dahil pinahahalagahan nito ang “inter-parliamentary courtesy.”

Kahit hindi tinatanong, nilinaw ni Marcolea na hindi niya kinakatawan ang House of Representatives at kung mapatutunayan na lider ng Kamara ang may pakana ng bagong Cha-cha, siya mismo ang hihiling kay Romualdez na magbitiw sa pwesto.

“I am not defending the Speaker of the House of Representatives. If this investigation will find out na siya ang nagpondo, I will politely ask him to step down,” ayon kay Marcoleta.

Ngunit, aniya kanyang nauunawaan ang “frustration” ng ilang private citizens na maglunsad ng people’s initiative.

Dahil dito, ibinahagi ni Marcoleta ang sama ng loob nito sa Senado hinggil sa pagbabalewala sa kahilingan ng Mababang Kapulungan na magpulong hinggil sa charter change.

“I think for the longest time the House of Representatives has been inviting the Senate to sit with us on a constituent assembly and the Senate repeatedly refused us,” pahayag niya.

Kaagad na sinopla naman ni Senate minority Leader Aquilino “Koko” Pimentel III hinggil sa punto ni Marcoleta na hindi pwedeng pwersahin ang Senado na lumahok sa pagbabago ng Saligang Batas.

“Tama yung observation ni Marcoleta, pero that cannot be forced. If the Senate doesn’t want to amend the Constitution through a constituent assembly, the House cannot force it. Ganon lang po yun, as simple as that. There should be no complaint because we are 2 autonomous bodies,” ayon kay Pimentel.

Ngunit, ayon kay Marcoleta, “the complaint arises from the fact that you do not want to meet with us.”

Kaya’t napagtanto ni Pimentel na talagang galing sa Kamara ang ugat ng people’s initiative.

“Our problem with the people’s initiative is we suspected some politicians to be behind it, because ang tinutumbok ng P.I. is the procedure sa constituent assembly and changing the natural meaning of that section,” ani Pimentel.

Layunin ng people’s initiative na amyendahan ang 1987 Constitution upang payagan na bumoto nang magkasanib, hindi magkahiwalay, ang Senado at Kamara sa constituent assembly, kung saan mawawalan ng saysay ang kapangyarihan ng Senado  sa paggawa ng batas.

Ipinaalala din ni Marcos kay Marcoleta na huwag i-hijack ang pagdinig at magtuon sa isyu ng imbestigasyon.

“With all due respect to Cong. Marcoleta, that’s likely the subject of another hearing and perhaps a more confident and benign meeting of the minds at another time. Let’s not hijack this hearing,” aniya. Ernie Reyes

Previous articlePIRMA lead convenor umamin sa Senado: Romualdez ‘all-out support’ sa PI
Next articleMU 1st runner-up, nasa Pinas!