Manila, Philippines – Kadalasan, inaasam ng local film producers na makapasok ang kanilang mga pelikula sa taunang Metro Manila Film Festival.
Paniwala kasi ng karamihan, ito iyong panahon para kumita ang kanilang mga pelikula at mabawi ang kanilang puhunan.
Pero may mga sumasampalataya naman na may kakaibang magic din sa takilya ang dala ng huling linggo ng Nobyembre bilang playdate.
Dito kasi natitiyempong ibinibigay ang 13th month pay at bonus ng mga empleyado.
Katunayan, ang pelikula ni Vice Ganda na “The Super Parental Guardians” na na-reject sa MMFF ang naging highest grossing Pinoy film noong 2016 na nagpatunay na hindi kailangang pumasok sa nasabing filmfest para gumawa ng kasaysayan sa box office ang isang pelikula.
Minsan, malaki rin ang nagagawa ng “word of mouth” para tangkilikin ng madlang manonood ang isang magandang pelikula.
Sa taong ito, bigong makapasok sa MMFF 2023 ang “In His Mother’s Eyes” nina Maricel Soriano at “Shake, Rattle and Roll: Extreme” ng all-star cast na pinangungunahan ni Iza Calzado.
Pero sa Nobyembre 29, may banggaan sila sa takilya.
Makikipag-showdown din sa box office ang first Hollywood indie film ni KC Concepcion na “Asian Persuasion” sa nabanggit na petsa.
Ang tanong: sino kaya sa tatlo ang mamayagpag sa takilya? Archie Liao