Home NATIONWIDE Mas kaunting aberya ng automated machines sa 2025 polls inaasahan ng Comelec

Mas kaunting aberya ng automated machines sa 2025 polls inaasahan ng Comelec

MANILA, Philippines- Kumpiyansa ang Commission on Elections na magkakaroon lamang ng kaunting machine failures sa 2025 midterm election sa pagpasok ng bagong automated counting machines (ACMs).

“With this setup ngayon na bago ito, bagong mga makina ito, we are confident na kung may mangyari lamang, hindi ganun karami, hindi ganun kadaming mga areas na makakapag-experience,” sabi ni Comelec Executive Director Teopisto Elnas Jr.

Plano ng Comelec na ipakilala ang ACMs para sa susunod na national at local elections upang palitan ang voting-counting machines (VCMs).

Sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms hearing, sinabi ni Elnas na kinikilala ng Comelec na ang VCMs na ginamit noong May 2022 general elections ay luma na at inaasahan nilang lalabas ang mga isyu.

Ayon kay Elnas, maaring naantala ang pagpasok ng kanilang balota sa makina o hindi nakaboto dahil sa mga aberya, pagbara ng papel, at iba pang mga kaugnay na isyu.

Sa ganitong mga kaso, ang ahensya ay nagkaroon ng dalawang posibleng hakbang: maaaring hintayin ng mga botante ang pagkumpuni ng makina o pumirma ng waiver at iwanan ang balota sa electoral board, sa ilalim ng pagbabantay ng political party representatives, citizens’ arm, at poll watchers.

Aniya, sisikapin ng poll body hangga’t maari ay hindi magamit ang contingency measures — normal at usual procedure ang magagamit para sa convenience at proteksyon ng proseso.

Idinagdag pa na plano ng Comelec na magtakda ng provincial technical hubs sa 2025 midterm elections upang agad na matugunan ang isyu sa makina.

Samantala, nagpahayag ng pag-aalala ang ilang mambabatas sa machine failure dahil  sinasabing ang paggamit ng teknolohiya ng kompanyang nakabase sa South Korea na Miru Systems Co. Ltd., ang nag-iisang bidder para sa 2025 na automatic polls ay nagresulta sa mga pagkabigo sa halalan sa Iraq at Democratic Republic of Congo. Itinanggi ng kompanya ang mga paratang.

Sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na ang pagsisiyasat sa performance history ng Miru Systems ay bahagi ng post-qualification evaluation, na sinimulan ng Comelec’s Special Bids and Awards Committee noong Martes.

Tiniyak ni Elnas na kasama sa isinasagawang assessment ng Comelec ang stress tests sa parehong software at hardware na gagamitin mula sa pagboto hanggang sa transmission ng resulta ng halalan.

Sa ngayon, sinabi ng Comelec special panel na wala pa itong nakikitang isyu sa teknolohiya ng Miru Systems. Ang pagsusuri pagkatapos ng kwalipikasyon ay inaasahang tatakbo sa loob ng isang buwan.

Sinabi ni Laudiangco na magkakaroon ng pangalawang failure sa bidding kung mabibigo ang Miru Systems sa evaluation.

Sinabi niya na ang poll body ay maaaring pumunta sa isang negotiated procurement, ayon sa mga election laws. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous article3 tulak nalambat sa P3.4M shabu
Next articleP500K pabuya alok sa ikadarakip ng pumaslang sa OIC barangay chairman